Halos 3M anti-Covid vax, naipamigay na sa Maynila – Isko/Honey
Advertisers
HALOS tatlong milyong anti-COVID 19 vaccine doses ang naipamigay na ng pamahalaang lungsod ng Maynila
Ito ang inanunsyo nina Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna na kapwa nagsabi na sa loob ng dalawang sunod na araw ang kaso ng COVID-19 na naitatala ay mababa pa sa 100.
Mula sa ulat ni Lacuna na siyang pinuno ng mass vaccination program sa lungsod kasama si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, sinabi ng alkalde na ang active COVID cases sa Maynila hanggang December 7 ay 96 na lang.
Noong December 6 naman, ang naitalang active cases ay 91 at walang naitalang nasawi sa dalawang petsang nabanggit.
Samantala , iniulat ni Lacuna sa alkalde na ang kabuuang bilang ng mga vaccine doses na naipamigay na ay nasa 2,919,399.
Ang mga naipamigay sa mga minors ay 164,743 at mula sa bilang na ito, 57,884 ang fully vaccinated na.
Sa kaso naman ng booster shots, 56,552 ang naturukan na ng kanilang preferred vaccine brands.
Nauna nang pinaalalahanan nina Moreno at Lacuna ang mga nanatiling walang bakuna na magpaturok na para sa kanilang sariling kaligtasan at sa kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay kontra sa COVID-19.
“ Sama-sama tayo tungo sa tuluyang pagsugpo sa COVID-19 mga Batang Maynila! Maraming salamat po sa inyong patuloy na pakikiisa sa ating #VaccineNation campaign. Congrats sa ating vaccinating teams!” pahayag ni Moreno kasabay ng pagpuri niya sa mga nasa likod ng mass vaccination dahil sa kanilang mabilis na pagkilos upang maisagawa ang pagbabakuna.
Nalagpasan na ng Maynila ang target nitong100 percent pagdating sa usapin ng total number ng eligible population sa Manila base sa records ng Commission on Elections at ng Department of Health. (ANDI GARCIA)