Advertisers

Advertisers

Update sa pag-disqualify kay Marcos: ‘ENTRY OF APPEARANCE’ INIHAIN SA COMELEC NG KAMPO NI BBM

0 282

Advertisers

NAG-FILE ng entry of appearance ang kampo ni presidential aspirant Bongbong Marcos kaugnay ng kinakaharap nitong disqualification case sa Commission on Elections (Comelec) nitong Martes, Disyembre 28.

Sinabi ng abogado ni Marcos na si Atty. Estelito Mendoza, hindi raw puwedeng maparusahan si Marcos ng perpetual disqualification sa public office dahil sa paglabag sa Tax Code mula 1982 hanggang 1985.

Depensa ni Mendoza, ang nasabing rule ay naging epektibo lamang noong 1986 noong wala na sa gobyerno ang dating senador.
Hindi rin umano na-convict si Marcos sa pamamagitan ng final judgment ng krimeng may kinalaman sa moral turpitude.



At kahit convicted daw ito sa kasong kinasasangkutan ng moral turpitude, ang disqualification na nakapaloob dito ay otomatiko na ring natanggal.

Iginiit pa ng abogado, hindi rin nasentensiyahan si Marcos sa pamamagitan ng final judgment sa parusang pagkakakulong ng mahigit 18 buwan.
Ang conviction pa raw ng dating mambabatas sa bigong paghain nito ng tax returns ay hindi naging dahilan para ma-disqualify ito sa paghawak ng public office.

Nag-ugat ang disqualification case laban kay Marcos dahil daw sa hindi nito pagbabayad ng buwis.

Sa petisyon, sinabi ng mga grupong convicted daw si Marcos ng walong beses ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 105 noong 1995 dahil sa kabiguang maghain ng income tax returns bilang governor ng Ilocos Norte para sa taong 1982 hanggang 1985.

Maliban dito, sinabi ng grupo na bigo rin umanong magbayad ang dating senador ng kanyang deficiency taxes.



Sinabi ng mga petitioners, hindi raw dapat payagan ng Comelec na tumakbo si Marcos dahil sa kanyang conviction sa paglabag sa Internal Revenue Code na siyang basehan para sa penalty at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.

Pero base naman sa ruling ng Court of Appeals (CA) nang iakyat ito ng kampo ni Marcos sa appelate court ay pinagmulta na lamang ang nakababatang Marcos ng mahigit P67,000 at tinanggal ang parusang pagkakakulong.

Nais pa noon si Marcos na iapela ang desisyon ng CA sa Supreme Court (SC) at hiniling na palawigin ang paghahain nito ng petition for certiorari.

Pero agad namang iniatras ni Marcos ang kanyang petisyon at binayaran na lamang ang kanyang multang P67,137.27.

Sa mga lumabas na report at base sa official receipt na inisyu ng Landbank of the Philippines na may receipt number 10622824 at may petsang December 27, 2001 nakalagay ditong binayaran na ng buo ni Marcos ang kanyang multa.