Advertisers
HINDI lang pagdamay ang inihatid ng maybahay ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa pagpunta sa Antique kungdi pag-asa at pangakong tutulungan sila na makabangon sa pinsalang iniwan ng bagyong Odette na nanalasa sa Visayas at Mindanao noong Disyembre 17.
Bitbit ang kahon-kahong may lamang food packs, mga botelya ng malinis na inuming tubig, pinangunahan ni Mrs. Diana Lynn Domagoso ang mga volunteer team ng “Operation Tabang” ng Team Isko ang pagbibigay ng tulong sa mga sinalantang residente ng Antique.
Una rito, namigay ng pagkain, de boteng tubig, matresses sa ilang dosenang pamilyang nawalan ng bahay sa Loboc, Bohol na pininsala rin ni Odette.
‘Wag po tayong mawalan ng pag-asa. Tuloy lang po ang buhay, sa tulong at awa ng Diyos, basta magtutulungan lang tayo, makababangon kayo,” sabi ni Mrs. Domagoso sa mga residente ng Loboc sa evacuation center sa Barangay Valladolid matapos na tangayin ng rumagasang baha ang kanilang mga bahay.
May ginagawa ring “Operation Tabang” ang Team Isko Moreno sa Kabankalan City at munisipalidad ng Hinoba-an sa Negros Occidental.
Ilang dosenang tao ang namatay sa daluyong ng bahang idinulot ni Odette sa lugar at maraming bahay ang winasak at itinumbang mga punongkahoy at nagwasak ng maraming bukirin at hanabuhay ng libo-libong Negrense.
Ayon sa mga residente ng Kabankalan hindi nila inasahan ang bagsik ng bagyo at matinding pinsala sa kanila, ayon sa kuwento ni Alejandro Abad, isa sa volunteer ng Team Isko.
Nagdala rin sila, sabi ni Abad ng relief goods at de botelyang tubig sa mga residente ng Barangay Cambagahan sa Bais City, Negros Oriental.
Tumanggap din ng pagkain, inuming tubig at iba pang gamit ang Operation Tabang Team sa mga residente ng Barangay Pianing, Anticala at Tagmamarkay sa Agusan del Norte at Surigao del Norte, ayon kay Dale Evangelista.
Pinangunahan naman ni Val Lozada ang relief operation sa mga evacuation sites sa Siargao City, bayan ng Sison at sa islang barangay Socorro sa Surigao del Norte.
Nagdala rin ng pagkain, inumin, 12 kahon ng Vitamin C supplement at 200 shelter partition tent sa Surigao del Norte na sakay sa isang barko ng Philippine Navy.
Tumanggap din ng tulong na pagkain at iba pa ang 782 pamilya na pansamantalang naninirahan sa Canlanipa Elementary School ; 40 pamilya sa Mormons Narciso Street; 135 pamilya sa Pilot Elementary School; 250 pamilya sa Gawad Kalinga, Barangay Luna; 148 pamilya sa CV Diez Elementary School; 256 pamilya sa Surigao City National High School at 80 pamilya na nagkakanlong sa LTPC/Training Center sa Barangay Luna.