Advertisers
TINANGGAL sa national team si Olympic pole vaulter EJ Obiena ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), ayon sa sports association kahapon Martes.
Ginawa ng PATAFA ang hakbang, matapos lumabas ang resulta ng imbestigasyon nito sa hindi pagbabayad umano ni Obiena ng coaching fees sa kanyang coach na si Vitaly Petrov, gayundin ang kanyang palsipikasyon ng liquidation documents.
Ayon sa PATAFA, lumabas sa imbestigasyon ng PATAFA’s Investigative Committee na nag-misappropriate si Obiena ng halagang 61,026.80 euros (P 3,661,608), na ibinigay sa kanya ng PATAFA at ng Philippine Sports Commission bilang bayad sa coaching fee ni Petrov.
Ang kanyang ina, ang dating auditor ng PATAFA na si Jeanette Obiena, ay napatunayang nagmisapropriate din ng halagang P624,116.76 na inangkin niya mula sa PSC “sa ilalim ng dahilan na ito ay reimbursement ng coaching fee na binayaran kay Mr. Petrov para sa mga buwan ng Enero 2019 hanggang Marso 2019.”
Dahil sa kanilang natuklasan, inirekomenda ng PATAFA Investigative Committee na tanggalin si Obiena sa national training pool, epektibo kaagad.
Nilalayon din ng PATAFA na magsampa ng criminal complaint na estafa laban kay Obiena, habang ang reklamo ay isasampa laban kay Petrov sa World Athletics dahil sa paglabag sa Integrity Code of Conduct.
Balak din ng PATAFA na agad na sibakin si Petrov bilang coach, habang ang adviser ni Obiena na si James Lafferty, ay idedeklara bilang persona non grata.
Ang mga rekomendasyon ay inaprubahan ng Board of Trustees ng PATAFA.