Advertisers
NAGBABALA ang health expert na si Prof. Jomar Rabajante ng University of the Philippines (UP) Pandemic Response Team na posibleng tumaas ng todo kada araw ang Covid-19 cases kapag hindi kaagad nagkaroon ng matinding intervention ang pamahalaan.
Say ni Prof Rabajante, base sa kanilang projections, maaring umabot ng 20,000 hanggang 40,000 ang maitatalang bagong kaso kada araw kapag hindi kaagad naipatupad ng husto ang Covid-19 health protocols. Mismo!
Eh ano pa nga bang malupit na protokol ang nais tukuyin dito ni Prof. Rabajante kundi lockdown na naman. Huwag naman sana. Ayaw natin mangyari ito…
Nangyari kasi ang biglang paglobo uli ng Covid cases nitong kapaskuhan hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon kungsaan ang mga tao ay siksikan sa mga pamilihan, umpukan sa public places at parti-parti sa loob at labas ng tahanan.
Dagdag pa rito ang mga pamiting, caravans at sorties ng mga kandidato para sa darating na halalan. Animal!
Base sa huling tala ng Department of Health, mula sa dating higit 100 cases kada araw bago ang kapaskuhan, umaabot na ngayon ng 4,000 plus ang naitatalang bagong kaso sa nakalipas na dalawang araw.
Ayon naman sa netizens, kaya lomobo uli ang Covid-19 cases ay dahil sa malamig na panahon. Marami ang nagkatrangkaso bunga ng ubo at sipon na kapag dinala sa duktor ay malamang Covid-19 ang findings. Puwede!
Balik tayo sa babala ni Prof. Rabajante, ano pa nga bang health protocols ang dapat ipatupad ng gobyerno, maliban sa pagsuot ng facemask/face shield, pag-limit uli sa mga papasok sa business establishment, pagsara sa mga park, entertainments, i-limit sa 30 percent ang pasahero ng mass trasports, ano pa…para hindi magka-lockdown?
Speaking of lockdown, hindi na ito kakayanin pa ng gobyerno na said na said na sa pondo para pang-ayuda sa bawat pamilya at sa mga negosyante.
Kung maghigpit man ng quarantine o alert level ang gobyerno, mabuting gawin sa panahon ng pagsimula ng kampanya sa eleksyon mula Pebrero 8 hanggang bago mag-halalan para hindi na makapagsagawa ng caravans at sorties ang mga bolerong kandidato. Sa social media nalang ang kampanyahan para walang gastos. Hehehe…
***
Bigyang pansin naman natin ang text ng ating mga suki:
Mula sa 09301547… – Sir Joey, di maganda ang pamumuno ni Duterte. Rason lang ang droga sa pagpatay sa mga maghihirap. Pero ang mga bigtime drug dealers, drug lords ay ‘di sila naaano. Droga hanggang ngayon lomolobo. Libre ang krimen, patayan, barilan saan mans ulok ng bansa. Walang price control kay Duterte; ‘di rason ang mataas na demand para itaas ang presyo ng mga bilihin; nonsense na patakaran! Ito na ang pinakamahirap na pamumuno kumpara sa past administrations; korapsyon ay nakaaligid na, at nagagalit pa si Du30 sa mga taong nag-iimbestiga sa mga anomalya, korapsyon sa pamahalaan.
– 09657543… – Sir Joey, hingi po kami ng tulong para maipaabot kay Pangulong Duterte ang hinaing namin mga CAFGU. Nananawagan po kami na sana po madagdagan din ang aming allowance at benepisyo. Kasi hindi talaga sapat ang tinatanggap namin na allowance. Kulang talaga, kasi may binubuhay din kaming pamilya at mahal pa ang bilihin sa ngayon. Mahal na Pangulong Duterte, maawa naman kayo sa amin na mga CAFGU. Sana po gawing ATM nalang ang aming allowance, direct din sa amin. Salamat.