Advertisers

Advertisers

Isko at Honey, nanguna sa mass booster vaccination ng mga delivery riders

0 320

Advertisers

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang mass booster vaccination nitong Huwebes ng umaga para sa mga delivery riders ng mga umo-order sa online sa Metro Manila, kung saan mismong si Lacuna ang nagturok ng mga booster shots ng ilan sa mga ito.

Ang mass booster vaccination ay ginawa sa gilid ng Kartilya ng Katipunan ng Bonifacio Shrine kung saan personal na sinupervise nina Moreno at Lacuna, kasama sina Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, Manila Traffic and Parking Bureau Director Dennis Viaje, City Engineer Armand Andres at Dr. Ed Santos, hepe ng Manila Emergency Operation Center ang mass inoculation para sa mga delivery riders ng Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, Food Panda, Lazada, at iba pa.

Nagsimula ng alas- 8 ng umaga hanggang alas – 5 ng hapon, ang booster vaccination ng mga delivery riders ay ginawa bilang tugon na maproteksyunan hindi lang ang mga riders na humaharap sa ibat-ibang tao bilang bahagi ng kanilang trabaho, kundi maging ang kanilang mga kliyente.



Habang sinusulat ang balitang ito ay daan-daan na ang nagtungong riders upang tumanggap ng kanilang booster shots. Sinabi rin ng alkalde na magkakaroon pa ng panibagong araw ng mass booster vaccination at hindi na mahalaga kung ang rider ay taga-Maynila o sa ibang lugar, ang mahalaga ay matanggap nila ang kaukulang proteksyon sa kumbinyenteng araw para sa kanila.

Sinabi ni Moreno na ang pagbibigay ng booster shots sa mga online delivery riders ay ginawa matapos ang mass vaccination ng mga night workers sa Divisoria partikular sa mga nagde-deliver ng mga paninda sa Metro Manila.



“Kasama dito ang mga taga-deliver ng gulay, karne, itlog, isda at iba pang produktong pagkain na nagbabagsak sa Maynila, mga driver, biyahero, pahinante, tindera,” sabi ni Moreno.

Ang mga Divisoria workers ay binakunahan sa kanto ng Juan Luna at Recto, Divisoria kung saan may 754 indibidwal ang naturukan.



Ayon pa kay Moreno, ginawa ang pagbabakuna dakong alas-8 ng gabi dahil ang mga market workers ay karaniwang busy sa umaga.

“Para hindi masayang ang araw nila sa pagkita, ‘yung mga nagdadala ng food sa Metro Manila na binabagsak sa Divisoria ng hatinggabi, inilapit na sa kanila ng pamahalaang-lungsod ang bakunahan,” pahayag ng alkalde.

Kapuna-puna ayon kay Moreno ang pagtaas ng kaso ng COVID sa lungsod kung saan mula sa dating 70 ay pumalo na ito sa 900 kaso sa isang araw. (ANDI GARCIA)