Advertisers

Advertisers

Harry Roque: maraming isusulong na batas sa Senado

0 267

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan…”(Paalala ni Jethro sa manugang niyang si Moises, sa Exodo 18:21, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

MAHINANG INTERNET, SMUGGLING NG AGRI PRODUCTS, PAGBUHAY SA HANAPBUHAY, AT MARAMI PANG IBA, TUTUTUKAN NI HARRY ROQUE PAG MANANALO SIYANG SENADOR SA HALALAN 2022: Aayusin ang mahinang Internet service sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapapasok ng iba pang internet service providers o telcos sa bansa. Pagpapatigil ng lahat ng uri ng smuggling ng mga produktong agricultural.



Pagpapalawak ng libreng pananghalian para sa lahat ng mga estudyante sa Pilipinas. Pagtatatag ng iba’t ibang uri ng hanapbuhay sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas upang magkaroon muli ng pagkakakitaan ang marami nating mga kababayan natigil sa trabaho dahil sa COVID 19 pandemic.

At paghihigpit sa mga social media intermediaries gaya ng Facebook at iba pang kilalang online chat groups upang matiyak na totoo lahat ang mga inilalabas sa kanilang platforms at hindi fake news.



Ito, at maraming iba pa, ang nilalayong isusulong ng puspusan ni dating presidential spokesperson at ngayon ay senatorial candidate Harry Roque noong umaga ng Miyerkules, Enero 05, 2022.

Ginawa ni Roque ang paghahayag ng kaniyang mga nais gawin bilang senador sa isang malawakang talakayan sa 22nd episode ng 1 Boto Ko TV, isang online presentation tuwing Miyerkules sa Facebook at YouTube.



Bilang tugon sa mga tanong ng mga hosts ng 1 Boto Ko TV na sina Pastor Jojo Gonzales, Ms. Aileen Papin, Atty. Melchor Magdamo, at ng inyong lingkod Atty. Batas Mauricio, niliwanag ni Harry Roque na hindi na bago sa kaniya ang pagiging mambabatas, dahil nauna na siyang naging congressman ng Kabayan Party List.

-ooo-

HARRY ROQUE, NAKAPAG-AKDA NG LAGPAS 200 PANUKALANG BATAS NOONG PARTY LIST CONGRESSMAN PA SIYA: Sa kaniyang panunungkulan bilang party list congressman, nakapagsumite si Roque ng lagpas 200 mga panukalang batas na nakatutok sa iba’t ibang mahahalagang isyu sa bansa.

Dahil sa kakapusan ng panahon noong nanunungkulan siyang representante ng Kabayan Party List, labinlima lamang sa nasabing 200 panukalang mga batas na kaniyang iniakda ang pumasa at naging ganap na batas.

Itong mga hindi naging batas na kaniyang ipinanukala noon ang mga uunahin ni Roque na muling maisulong, sa Senado naman ng Pilipinas kapag siya ay nahalal bilang senador sa Halalan 2022.

Sa pagsasaliksik ng Kakampi Mo Ang Batas, nakilala ang educational accomplishments ni Roque. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Economics at Political Science sa Estados Unidos, sa University of Michigan sa Ann Arbor.

Sa UP College of Law naman nakuha ni Roque ang kaniyang law degree, samantalang nakuha niya ang kaniyang Master of Laws degree, with merits, sa London School of Economics.

Nalaman din ng Kakampi Mo Ang Batas na naging isang mahusay na abogado si Roque. Kasama siyang nagtatag ng grupong Center for International Law, na siyang kumatawan sa mga pamilya ng mga napatay o nabiktima sa Ampatuan Massacre.

Naging abogado din si Roque ng mga pamilya ng mga tinaguriang Malaya Lolas, o yung mga matatandang babae na naging parausan ng mga puwersang Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig; ng pamilya ng transgender na si Jennifer Laude; at ng pamilya ng pinatay na environmental advocate Gerry Ortega sa Palawan.

-ooo-

“HINDI AKO NAGBAGO NG AKING PRINSIPYO”, GIIT NI HARRY ROQUE Humarap din siya sa at nakipag-argumento sa Supreme Court sa maraming kaso, dahilan upang tagurian siya ni dating Associate Justice Antonio Nachura bilang isa sa mga abogadong nagpahanga sa kaniya (kay Nachura) dahil sa galing ng kaniyang mga salita.

Niliwanag din ni Roque na kabilang siya sa pananampalatayang Kristiyano, dahilan upang maging laman din siya ng mga tinaguriang Sunday School system of Christian learning. Ang kaniyang mga magulang at mga malalapit na kamag-anak ay naglingkod bilang mga pastor at mga manggagawa ng kanilang mga sinapiang simbahang Kristiyano.

Ayon kay Pastor Jojo Gonzales, ang 1 Boto Ko TV host na nag-anyaya kay Roque upang maging panauhing tagapagsalita, kinakitaan ang dating presidential spokesman ng katapatan bilang mananampalataya sa Diyos, nakikinig at sumusunod sa Kaniyang mga utos.

Naging bahagi si Roque ng iba’t ibang pagkilos, ayon kay Pastor Jojo, ng mga Kristiyano upang isulong ang pagkakamit ng katarungan ng mga may ipinaglalaban sa kanilang mga buhay.

Sa bandang huli, tinugon ni Roque ang tanong na nagbago siya noong maging tagapagsalita siya ng Pangulong Duterte, mula sa isang maprinsipyong abogado, tungo sa pagiging tagasunod na lamang ng mga binabanggit ng presidente.

Ayon kay Roque, bilang spokesman, tungkulin niyang ulitin o ibahagi ang mga sinasabi ng Pangulo, at walang kinalaman sa pag-uulit o pagbabahagi niyang ito ng mga pahayag ng Pangulo sa kaniyang sariling mga prinsipyo o pananaw sa mga isyu.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.