Advertisers
NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go na palakasin at paghandaan ng pamahalaan ang mas koordinadong estratehiya laban sa panganib na nauugnay sa mga pandemya na patuloy na nagiging banta sa kalusugan ng publiko at katatagan ng ekonomiya ng bansa.
Muling iginiit ni Go ang pagpapasa ng kambal na panukalang batas na inihain niya noong una na bubuo sa kakayahan ng bansa sa mabilis na pagtugon sa mga banta ng nakahahawang sakit.
“Habang ang COVID-19 na virus ay patuloy na nagbabanta sa ating kalusugan at kaligtasan, dapat nating gamitin ang oras na ito upang suriin ang mga aral na ating natutunan, muling suriin ang ating mga kakayahan, pagbutihin ang ating mga pagsisikap at isaalang-alang ang mga bagong pambatasang solusyon na magpapalakas sa ating pagtugon sa hinaharap na mga emerhensiya sa kalusugan ng publiko, ” ani Go.
Sinabi ng mambabatas na kailangang manatiling mapagbantay at nakatuon ang gobyerno sa pagpigil sa isang mas malaking outbreak bilang dagdag na tugon sa mga kagyat na pangangailangang kinakaharap.
Noong Mayo 2021, inihain ng mambabatas ang Senate Bill No. 2158 na nagtatatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC). Ang CDC ay magsisilbing nangungunang ahensya para sa pagbuo ng mga hakbangin sa pagkontrol at pag-iwas sa nakakahawang sakit.
Kabilang sa sa mga pangunahing tungkulin nito ang pagsisiyasat sa mga potensyal na kaso ng emergency sa pampublikong kalusugan; pagpapatupad ng mga regulasyon upang maiwasan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit; pagkuha at pamamahagi ng mga bakuna, antibiotic at iba pang medikal na suplay; at pakikipagtulungan sa ibang bansa at internasyonal na organisasyon upang mapabuti ang mga sistema at kasanayan sa pag-iwas at pagkontrol sa sakit.
“Sa ibang mga bansa, ang Centers for Disease Control ay naging instrumento sa pandemyang ito. Bilang mga eksperto sa larangan ng mga nakakahawang sakit, sila ang nangunguna sa pakikipaglaban sa kalusugan laban sa COVID-19. Panahon na para magkaroon tayo ng sariling CDC. Kinikilala ito ni Pangulong (Rodrigo) Duterte at nauna nang hinimok ang Kongreso na ipasa ang mahalagang panukalang ito,” paliwanag ni Go.
Sama-sama niyang inihain ang SBN 2155 na siyang lumikha ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP). Ang Institusyon ang pangunahing laboratoryo para sa pagsasaliksik sa virology at mga pagsisiyasat sa laboratoryo.
Kung maipapasa ang batas, pabibilisin ng VIP ang pagbuo at pagpapalawak ng access sa mga bagong bakuna laban sa mga sakit tulad ng COVID-19 at titiyakin na ang bansa ay may sapat na emergency stockpile ng mga dosis ng bakuna.
Ang Senate Bills 2158 at 2155 ay kasalukuyang pinag-uusapan sa pamamagitan ng technical working group sa ilalim ng subcommittee na pinamumunuan ni Sen. Pia Cayetano sa ilalim ng Committee on Health at ng Committee on Science and Technology na pinamumunuan ni Sen. Nancy Binay.