Advertisers

Advertisers

Cavite demolition: 3 Katao nabaril ng PNP, private guards

0 470

Advertisers

Ilang residente ang diumano’y tinamaan ng baril nang maputukan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng ikinakasang demolisyon sa Cavite.

Ayon kay Charm Maranan, tagapagsalita ng Defend Southern Tagalog, tatlo katao mula sa Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite ang malubhang nasugatan at tinamaan sa bandang tiyan nang mangyari ang insidente.

“Ang isang sugatan, dinala sa bangka ng mga armado at bumalik para dalhin sa kanilang detachment ang biktima habang ang ibang lokal ay binubugbog ng higit 300 demolition team at pinosasan,” ani Maranan.



“Ito ay kasalukuyang nangyayaring karahasan laban sa mamamayan sa gitna ng pagsirit ng Omicron variant COVID-19. Labing dalawang beses nagpaputok ang mga armado sa mamamayan.”

Ayon kay Maranan, sari-saring mangingisda at magsasaka ang mawawalan ng tahanan kaugnay ng demolisyong isinasagawa ng “libu-libong armado mula sa PNP, SWAT, demolition team, at Philippine Coast Guard.



Sa video na ipinaskil ng Bagong Alyansang Makabayan – Cavite, makikitang nagkakagulo ang mga residente matapos daw “harangan” ang bangkang maghahatid sana sa nabaril papuntang ospital.

“Hindi makalapit ang ibang residente sa mga sugatan dahil hinaharang ng SWAT ang daan,” ayon sa BAYAN-Cavite.



“Nananawagan ang BAYAN-Cavite sa Commission on Human Rights of the Philippines at mga concerned na mga organisasyon at indibidwal para sa kagyat ng pagtulong sa mga sugatan at residente.”

Dagdag pa nila, hindi lang nagmula sa PNP ang pamamaril ngunit pati na raw sa mga pribadong security guard, na pinangalanang nagmula sa Seraph Security Agency.

Sa video din, makikita ang dami ng mga pulis at security na kinaharap ng mga residente. Nangyayari ang lahat ng ito kahit na nasa mas striktong Alert Level 3 ang probinsya ng Cavite.