Advertisers
Kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpatay sa isang tauhan nito na binaril sa Sual, Pangasinan nitong Martes.
Kinilala ang coast guard personnel na si CG Apprentice Seaman (ASN) Angelo V Martinez, 23 anyos at nakatalaga sa PCG District Southern Tagalog.
Nagpahayag naman ng sinserong pakikiramay si PCG District Southern Tagalog Commander, CG Commodore Genito B. Basilio sa pamilya ng biktima.
“He will not be able to achieve his dreams and aspirations anymore as he was ruthlessly slayed by a still unknown gunman. Rest in peace, CG ASN Angelo Martinez. My snappy salute to you. Salamat sa serbisyo mo sa bayan, anak,” pahayag ni CG Commodore Basilo.
Base sa ulat na nakarating sa PCG National Headquarters at mula sa Philippine National Police (PNP), nangyari ang shooting incident sa Barangay Paitan West Corner Bolaoen Road, Sual, Pangasinan 11:45 ng gabi ng Enero 11.
Sa report, residente si Martinez sa Bolaoen at kausap ang salarin nang bigla itong barilin sa kaliwang bahagi ng bibig.
Nakita naman ng isang concern citizen ang biktima na nakahandusay sa tabi ng kanyang motorsiklo kaya agad na ini-report sa malapit na police station.
Itinakbo pa ang biktima sa Primary Care Infirmary Facility sa Caoayan, Sual Pangasinan ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy naman ang hot pursuit operation ng PNP laban sa salarin habang nagsasagawa ang PCG ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa insidente.(Jocelyn Domenden)