Advertisers
NAKAKABILIB itong Department of Health (DoH) at OCTA Research Team. Alam na alam nila kung kailan tataas at bababa ang Covid-19 cases sa ating bansa. Alam din nila kung hanggang anong bilang ng peak ng daily cases bago bumaba.
Sabi ni Dra. Rosario Vergiere, Undersecretary ng DoH, ang daily cases ngayon ng Covid-19 na umaabot ng hanggang 38,000 plus ay hindi pa peak. Hanggang Pebrero pa raw ang pagtaas ng kaso bago ito bababa. Araguy!!!
Ganito rin ang basa ng OCTA Research Team na kumukuha lang ng data sa DoH. Posible raw na abot hanggang 40,000 plus ang daily Covid cases, mula sa 100 plus noong bago ang kapaskuhan.
Ito’y sa kabila ng nasa 60 million plus na ang mga nabakunahan at marami narin ang mga nagpa-booster shot.
Paano kaya nila nakikita na hanggang sa ganong bilang aabot ang daily Covid-19 cases bago bababa? Hmmm…
***
Puwersahan na ang ginagawa ng gobyerno na magpabakuna ang lahat ng mamamayang edad 12 pataas dahil ito nalang daw ang tanging paraan para mawala ang mabagsik na “kagaw” na unang na-detect at pinangalanan sa China.
Speaking of China, bakit kaya hindi na nababalita rito ang Covid-19? Finish na siguro sila sa problemang ito o ayaw na nilang palakihin pa dahil nakakaapekto sa kanilang ekonomiya? Puede!
Ano kaya kung ganun din ang gawin ng ating gobyerno, tigilan na ang pag-ulat ng mild cases ng Covid-19, ang mga severe o malala nalang ang ipahayag sa media? Tutal halos kalahati na ng ating populasyon ang bakunado laban sa virus na ito eh. Say nyo, repapips?
***
Iniutos ng DILG sa mga LGU partikular sa barangay na huwag payagan lumabas ng kanilang tahanan ang mga residente na hindi bakunado.
Iniutos din ang “No vaccine, No ride” sa mga pampublikong sasakyan.
Pero sabi ng Public Attorney’s Office, hindi puwede ang “No vaccine, No ride” dahil wala pa namang batas ng mandatory vaccination.
Ganito rin ang depensa ng Department of Justice (DoJ) sa mga hindi pa bakunado.
Anyway, ang ginagawa lang naman ng gobyerno na pangha-harass sa mga hindi bakunado ay upang magpaturok na ang mga ito para narin sa kanilang kaligtasan laban sa “kagaw” na magdalawang taon nang namemerwisyo sa ating bansa o sa buong mundo.
Ang problema lang ay may mga tao na hindi tanggap ng kanilang katawan ang bakuna, na kapag pinilit ay ikawawala ng kanilang buhay. Mismo!
Ito ang dahilan kung bakit hindi maipasa-pasa sa kongreso ang mandatory vaccination law.
Dapat ang gawin ng gobyerno, bigyan ng ibang choices ang mga ayaw magpabakuna, bigyan sila ng bitamina kontra sa virus. Mismo!
***
Binasura ng Comission on Election ang isa sa limang natitirang petition laban sa kandidatura ni presidential aspirant Bongbong Marcos Jr.
Ito ay ang petition ng grupo nina dating Supreme Court Spokesman Teodore Te sa 2nd Division ng Comelec.
Una nang binasura ng Comelec ang dalawang petitions. May apat pang natitira. Lalabas daw ang resolution bago magsimula ang kampanya sa Pebrero. Abangan!