Advertisers
CATANDUANES – Kinapitan ng Coronavirus Disease -19 ang pitong bata nang paglaruan ang nakitang gamit na hiringgilya sa bisinidad ng barangay sa Virac.
Nasa edad tatlo hanggang 11 anyos ang pitong bata na nagpositibo sa virus nang isailalim sa antigen test ng awtoridad sa Barangay Concepcion.
Maging ang babae na naunang sumuway sa mga batang naglaro sa hiringgilya ay nahawaan din ng virus.
Sinabi ni Barangay Concepcion chairman, Anthony Arcilla, na naka-isolate na ang mga bata at binigyan na ng mga gamot at bitamina. Nakatakda silang isailalim sa RT-PCR testing ngayong Lunes, Enero 31.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, inako ng laboratoryong malapit sa lugar ang nasabing mga medical waste, at inako rin ang responsibilidad sa naturang insidente saka humingi na ng tawad sa konseho ng barangay.
Pero matapos ang pakikipagpulong sa konseho ng barangay, napag-alaman na ang representante ng nasabing laboratoryo na nakipag-usap ay positibo rin sa Covid-19. Kaya ang mga nakiharap dito ay nakasailalim din sa kwarantin.