KUNG mananalong presidente, may tiyak na ayudang matatanggap ang milyon-milyong pamilyang Pilipino, ipinangako ito ni Aksyon Demokratiko standard bearer Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno, Lunes, Pebrero 28.
Kaharap ang mga opisyal at miyembro ng Labor at transport group, sinabi ni Yorme Isko na “meron akong gagawing ayuda”, at ito ang P200-bilyong buwis na utang ng isang pamilya sa mamamayang Pilipino.
“I’ll make sure that I will implement the decision of the Supreme Court, GR 120880, na may isang pamilya na pinagbabayad ng estate tax. As we speak, it’s about P200 billion already,” sabi ni Yorme Isko sa kaharap na mga opisyal ng grupo ng mga unyon ng manggagawa at pangkat ng ttansport workers sa punong opisina ng Isko Moreno Domagoso for President sa Intramuros, Manila.
Sa desisyon ng SC noong Hulyo 1997, iniuutos sa pamilya Marcos na bayaran ang P23.29 bilyong estate tax mula 1982-1986, ayon sa komputasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon kay Isko, ang P200-bilyon ay hindi regular na buwis kungdi estate tax, “e kung ipamigay ko rin na ayuda. Tutal pera n’yo naman yon e.”
Umabot sa P203.8 bilyon ang estate tax dahil tumangging magbayad ang pamilya Marcos na sinabing nagkamali sa pagkuwenta ang BIR, at ang desisyon ay nakaapela sa SC.
“Kailangang magbayad sila sa buwis” giit ni Yorme Isko.
Ayon pa sa 47-anyos na kandidatong pangulo, tiyak ang bawat kilos ng kanyang gobyerno, aniya, “kung nakakatikim ng kulungan yung aksidenteng makakuha ng anim na kilong mangga, that goes to anybody who will be found guilty of such crime. Yun lang ang importante.”
Nagpaalaala si Yorme Isko sa publiko na pumili ng mapagkakatiwalaan at maaasahang lider sa darating na halalan sa Mayo 2022.
“It doesn’t have to be me. Basta huwag kayong pipili ng lider na ngayon pa lang, hindi n’yo na mapagkatiwalaan, hindi n’yo na maaasahan,… Hindi ito pagalingan mg Ingles, hindi ito pagalingan ng salita, hindi ito pamanahan, kundi sino talaga yung pwede nating sandalan,” sabi ni Yorme Isko.