Advertisers
TALIWAS sa naging pahayag ni Senate President Vicente Sotto III at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, hindi umano nagbigay ng go-signal si Pangulong Rodrigo Duterte para ipatigil ang operasyon ng online sabong o “e-sabong” kasunod ng imbestigasyon sa pagka-wala ng mga sabungero.
Sa ikalawang pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Dela Rosa, inamin ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) chairperson Andrea Domingo na hindi pumayag ang Pangulo sa pagsuspinde ng “e-sabong” base sa naging pag-uusap nila ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
“Tinanong ko po sa Executive Secretary ‘Sir, pumayag po ba talaga ang President na i-suspend ang operations according to the news reports?’” pahayag ni Domingo.
“Ang sabi po ni Executive Secretary, ‘Tinanong ko si presidente diyan, Andrea, sabi niya wala siyang sinasabing ganon’,” aniya pa.
Ikinagalit naman ito ni Dela Rosa: “So ako ngayon ang sinungaling? Ako ang kausap ni Presidente, sinabihan ako niya ng ‘sige, sige, sige,” ani Dela Rosa.
Samantala, ikinatuwiran din ni Domingo na maaaring managot ang state regulatory agency kung susundin ang naging resolusyon ng Senado na wala umanong legal na batayan kaugnay sa hiling na suspindehin ang operasyon ng lahat ng online cockfighting operations habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Although we do respect the resolution from 24 senators for us to suspend immediately e-sabong operations, we stand at the peril of having to pay P640-million while we suspend (the operations) without clear and legal basis,” punto ni Domingo.
“We have to look into the repercussions. In the final analysis, it would be PAGCOR who would be responsible for the final decision,” saad pa ng opisyal.
Pabor naman si Sen. Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services sa mga naging obserbasyon din ng mga kapwa senador na sinasabing nasa mandato ng PAGCOR na pansamantalang suspindehin ang mga lisensya ng “e-sabong” operators.
“There is nothing in PAGCOR’s charter requiring them to seek authorization from the President for any action to proceed,” sabi ni Poe na binanggit ang Presidential Decree No. 1869, na sinususugan ng Republic Act No. 9487.
Naalala rin ni Poe na bilang dating chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), hindi na nila hinintay ang pag-apruba ng pangulo para sa sanction sa mga paglabag.
“I believe PAGCOR is using the President as an excuse to delay that decision,” dagdag ni Poe. (Mylene Alfonso)