Advertisers
ISA’T kalahating buwan bago ang eleksyon ay dumarami lalo ang mga local executives na sumusuporta kay Vice President Leni Robredo para maging susunod na Pangulo ng bansa, indikasyon na lumalakas ang kanyang kampanya laban sa anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa Cavite ay pinatunayan ni Cavite 4th District Representative Elpidio Barzaga, pangulo ng National Unity Party (NUP), na hindi solid Marcos, Jr. ang probinsya salungat sa pinapakalat ni Gov. Jonvic Remulla.
Tumindig si Barzaga para kay Robredo, kahit pa ang kanyang sariling partido ay sumusuporta kay Marcos.
“If we base (it on) her track record, naniwala ako that she is the most qualified to be elected as president,” ayon kay Barzaga. “Kapag siya ang naging Pangulo, talagang magkakaroon tayo ng gobyernong tapat at aangat ang buhay ng lahat.”
Suportado rin si Robredo ng maybahay ni Barzaga na si Dasmariñas Mayor Jenny Barzaga.
Tinuturing na vote-rich city ang Dasmariñas, Cavite dahil meron itong higit sa 400,000 na botante.
Sa isa rin rally sa Imus, Cavite ay pinahayag ni Cavite 3rd District Rep. Alex Advincula ang suporta niya kay Robredo. Tumatakbo bilang mayor ng Imus ngayon si Advincula.
Matatandaan na isang higanteng rally para kay Robredo at kanyang running mate na si Senator Kiko Pangilinan, ang naganap sa Cavite nuong March 4 sa General Trias City, kung saan halos 50,000 supporters ng tandem ang dumalo at pinakitang Leni-Kiko sila sa darating na halalan.
Kahapon naman, inanunsyo ni Misamis Oriental 2nd District Rep. Juliette Uy at ng kanyang buong Team Unity tiket ang suporta nila para kay Robredo.
Nakasama ni Uy si Robredo sa House of Representatives nuong Naga Congresswoman ang Bise Presidente. Naging mabuti silang magkaibigan at inilarawan ni Uy si Robredo bilang isang napaka-simple at tuwid, at tunay na nakatuon sa kanyang trabaho.
Nakatrabaho rin ng anak ni Uy na si Villanueva Mayor Jennie Mendez si Robredo sa Kongreso.
Sinabi ni Mendez na bago pa man naging public official ang Bise Presidente ay naging lingkod bayan muna siya, lalo na para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Pinuri ni Mendez ang mga programa ni Robredo na nakakatulong sa marami nating kababayan.
Kasama na rito ang pagtutok sa edukasyon, ang mabilis na pagresponde sa COVID-19 pandemic, ang mga programa ng Angat Buhay at pagsuporta sa mga kababaihan at maliliit na negosyo tulad ng mga mananahi.
Para kay reelectionist Misamis Oriental Vice Governor Joey Pelaez, prinsipyo ang sinunod ng Team Unity nang piliin nila si Robredo bilang kandidatong ieendorso.
Pinaalala rin ni Pelaez na kailangan pag-aralan maigi ng mga Pilipino ang ating kasaysayan at malaman na walang mabuting dinulot ang martial law o batas militar sa Pilipinas bagkus pinahirapan pa nito ang nakararami tulad ng mga coconut farmers.