Advertisers

Advertisers

Lacson sa mga botante: Piliin na lang pinaka-kwalipikado ‘wag na pagbatayan ang survey

0 205

Advertisers

IBOTO kung sino ang nararapat, sa halip na maniwala sa mga lumalabas na resulta umano ng survey na isinasagawa bago ang araw ng halalan.

Ito ang panawagan ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa mga Pilipino, lalo na sa mga pumipili ng kanilang iboboto batay sa mga pre-election poll. Inihayag ito ng batikang senador sa ginanap na Pandesal Forum nitong Sabado (Abril 9) kung saan tinanong siya hinggil sa kanyang reaksyon sa paghingi ng tawad ni vice presidential-candidate at Deputy House Speaker Lito Atienza.

Ayon kay Lacson, nauunawaan niya ang pinanggagalingan ng kongresista at ng iba pa na tumitingin sa resulta ng survey para masabi kung sino ang may malakas na tsansang manalo, pero hindi umano dapat na manatili ang ganitong pananaw dahil panahon na upang kilatisin ang kandidato hindi batay sa pre-election poll, ngunit sa kanyang kahandaang pamahalaan ang bansa.



“Parang we have been slaves of surveys… Kung talagang surveys na lang (ang) pakikinggan natin, huwag na tayong mag-eleksyon. Tingnan na lang natin sa survey at ‘yon na lang ang maupo. E hindi ‘yon ang essence ng democracy,” sabi ni Lacson.

Dagdag ni Lacson, ang tunay ng demokrasya ay makikita sa mismong araw ng eleksyon o sa Mayo 9. “Kasi minsan split second, nagpapalit ang isip ng tao ha. ‘Yung papunta, pag-alis ng bahay, hanggang sa makarating sa (polling precinct), hanggang sa mag-sha-shade ‘nung circle, pwedeng magpalit (ng isip) pagka nahimasmasan (ang botante),” aniya.

Para naman sa running mate ni Lacson na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, dapat nang pag-aralan ng susunod na Kongreso ang panawagan mula sa iba’t ibang sektor na ayusin ang sistema o ma-regulate ang mga survey upang hindi ito maging daan para makondisyon ang isipan ng publiko.

“Siguro because of this clamor from people and different sectors, siguro the next Congress should look into it. The next Congress should a file a bill ‘nung how to, ika nga, regulate surveys,” sabi ni Sotto. Kasabay nito, nag-iwan din siya ng paalala sa mga botante habang wala pang naisasabatas na regulasyon para sa mga survey.

Aniya, “Pinakamaganda na lang sa mga kababayan natin at this point, siguro ang i-survey mo ‘yung sarili mo, ‘yung kaisipan mo. Ano bang gusto mong leader ilagay?…Hindi ‘yung porke ‘ay leading kasi si ganyan, doon na lang tayo.’ Patay! Ubos tayo, hindi ba? Ilang beses na nangyari in the past e.”



“Palagay ko dapat sa atin ay konsensya, kaisipan ng ating mga botante. Isipin mo na lang. Kahit ikaw lang mag-isa ang bumoto roon sa tao na ‘yon, basta’t sa tingin mo ‘yon ang dapat, malinis ang konsensya mo, malinis ang kalooban mo. Dapat ganoon ang maging mentality ng mga kababayan natin,” saad ng vice presidential tandem ni Lacson.