Advertisers
HUWAG muna nating husgahan ang President-elect Bongbong Marcos, Jr.
Sa Hulyo 1 pa siya magsisimula sa kanyang trabaho bilang ama ng ating bansa.
Bumubuo pa lamang siya ng kanyang gabinete ngayon. Wish natin ay huwag niya nang kunin ang mga tao ni outgoing President Rody Duterte. Mga korap ang marami sa mga iyon. Lalo lang siya masisira kapag ni-recycle niya ang mga letseng iyon!
Opo! Hintayin natin maka-100 days si BBM bago husgahan ang kanyang administrasyon. Pagtrabahuin muna natin siya. Mismo!
Dasal natin ay maging totoo ang kanilang slogan ni Vice President-elect “Inday” Sara Duterte-Carpio na UniTeam o pagkakaisa, pag-isahin ang lahat. Wish ko lang!
***
Pinagkakaguluhan ngayon sa socmed ang pagiging No. 1 ni Senator-elect Robin Padilla.
Ano raw kaya ang committee na hahawakan ni Robin? Siya kaya ang maging Senate President? Aray ko! Hehehe…
Sa aking palagay, ang bagay na komite para kay Robin ay intertainment at tourism. Kasi ito ang profession niya, aktor!
Magandang makasama ni Robin sa hahawakan niyang komite ay si Sen. Lito Lapid, Bong Revilla at Jinggoy Estrada. Hehehe… Teka, pasok ba sa magic 12 si Jinggoy?
***
Pinaka-aabangan ngayon sa Senado kung sino ang tatanghaling Senate President at House Speaker ng mga kongresista.
Tiyak hindi papayag si BBM na si Alan Peter Cayetano dahil hindi naging maganda ang relasyon nila nang naglaban sila sa Vice President noong 2016.
Sa totoo lang, wala akong mapiling bagay sa Senate presidency sa mga nanalong Senador ngayon. Dahil karamihan sa kanila ay “kenkoy”. Teka, si Chiz Escudero puede ito. Si Mark Villar okey rin.
Itong si Mark, anak ng No. 1 billionaire sa bansa na si ex-Senate President Manny Villar, ay may plano sa 2028. Kaya tiyak na aambisyunin niya ang liderato ng Senado. Peks man!
Sa House speakership naman, kung sino ang malapit kay BBM, yun tiyak ang mamumuno sa Mababang Kapulungan. Malamang ang kanyang pinsan, si Cong. Romualdez. Let’s see!!!
***
Bagama’t pinasara na ni Pangulong Rody Duterte ang e-sabong ay marami paring nag-o-operate ng kolorum sa Visayas at Mindanao.
Tiyak pasok o may “timbre” ang kanilang operasyon sa pulisya at mga lokal na otoridad. Dahil kung hindi ay puros raid ang kanilang aabutin sa mga lispu. Mismo!
***
Nakatikim daw ng sampal kay “Delta” ang mga barangay kapitan na hindi nagtrabaho o kungsaan natalo ang hari na ito ng Pampanga?
Bagama’t na-reelect si Delta ay masama parin daw ang loob niya nang matalo sa ilang barangay sa Pampanga laban kay Engr. Baylon. Kaya pinatawag ang mga naturang barangay at binigyan ng malupet na sampal. Aray ko!
Kumusta na nga pala ang e-sabong ni Delta? Natigil rin kaya? O tuloy parin ang patagong operasyon?
Ano kaya ang maging kapalaran ng e-sabong sa Marcos administration? Papayagan kaya ni BBM na makapag-operate uli ito o tuluyan nang i-shutdown?
Abangan!