Bayan sa Romblon na may pinaka-worst na kalsada
Advertisers
SA pag-iikot ko sa 17 bayan ng Romblon province nitong nakaraang eleksyon, natuklasan ko ang isang bayan na may pinaka-worst na kalsada sa buong lalawigan.
Ito ay ang bayan ng Corcuera (Simara island), isa sa tinatawag na “tres islas” na malayo sa kapitolyo ng Romblon.
Ang bayang ito ay mayroong mahigit 10,000 population, ayon sa 2020 datus ng Philippine Statistics Authority (PSA), at mayroong registered voters na kulang sa 7,000.
Ang Corcuera ay isang 5th class municipality na binubuo ng 15 barangays. Ito’y may land area na 28.53 kilometers.
Ang kasalukuyang alkalde ng bayang ito ay si Elmer Fruelda, nasa ikatlong termino nang walang kalaban sa nakaraang eleksyon.
Sa pier palang ay masasabi nang masyadong napagkaitan ng kapalaran ang islang ito o sadyang mahina lang talaga ang mga opisyal ng bayang ito. Dahil ang mga katulad nilang island municipalities na Banton at Sibale ay may maayos namang daungan ng mga sasakyang pandagat.
Bukod sa masamang kalagayan ng pier, ang kalsada sa Corcuera ay talagang napakakitid. Pang-one way lang! Hindi puwede magsalubungan ang 4 wheels. Napakasama pa ng kondisyon, parang Skyflakes! Para ka ngang nakasakay sa kabayo kapag naka-single o naka-4 wheels man. Kung buntis ka, malamang malalaglag ang dinadala mo o kaya’y mapapaanak ka ng wala sa oras. Grabeh!
Kung bakit ganito ang kondisyon ng mga kalsada sa Corcuera, ewan! Siguro dahil sa grabeng korapsyon na kitang kita sa pagkagawa ng mga kalsada – kulang sa lapad, kulang sa kapal at hilaw na hilaw ang timpla (kulang sa semento). Sa madali’t salita ay sobrang substandard, pinagkitaan ng todo ng sinumang opisyal dito. Mismo!
Kapag hindi pa maayos ang mga kalsada rito, malabong magkaroon rito ng investors at mapapako nalang sa 5th class municipality ang bayang ito.
***
May nakita akong heavy equipments (trucks, bulldozers, pison, graders) ng Sunwest Construction sa lugar na kinakalawang na. 2019 pa raw ito roon. Para raw sa road widening project. Pero hindi nakapag-gawa dahil nagamit daw ang pondo sa eleksyon ng isang trapo (traditional politician). Aray ko!
Malamang na hindi parin magawa ang mga kalsada rito ngayong 2022 dahil tiyak na nalustay na naman ang pondo para rito dahil sa grabeng vote buying sa nakaraang eleksyon. Wanna bet?
Nang maikot ko ang kabuuan ng Corcuera, sabi ko sa aking sarili, anong nangyari sa bayang ito? Bakit tila napabayaan na sila ng provincial government ng Romblon? Eh taxpayers din naman ang mga tao rito, kasama sila sa nagpapasueldo sa mga taong gobyerno, at may ambag din sila sa multi-million peso ‘pork barrel’ ng kanilang Congressman na si Jesus “Budoy” Madrona na ubod na ng yaman sa 30 years na niyang panunungkulan.
Si Madrona ay nahaharap sa kasong Graft and Corruption sa Sandiganbayan, tungkol sa fertilizer fund scam. Submitted for decision na ito.
Sandiganbayan, hoy!!! kailan nyo ba ilalabas ang desisyon sa kasong ito ni Budoy? Gising!