Advertisers
NATAGPUANG walang buhay ang 6-anyos batang lalaki nang pagsasaksakin ng sariling ama na may depresyon nitong Miyer-kules sa bayang ng Aklan.
Nakiusap ang pamilya na hindi pangalanan ang bata na ang ina nito ay isang aktibong pulis sa Barangay Laguinbanua East, Numancia.
Naka-hospital arrest naman ang salarin at ama ng biktima na itinago sa pangalan Dodoy, 30 anyos, ng Barangay Bubog, Numancia, Aklan.
Batay sa report ng Numancia Police Station, bago ang insidente ay nagtungo ang salarin sa bahay ng kanyang mga biyenan at kinuha ang anak at dinala sa bahay nito.
Ilang oras ang makalipas, sinundo ng kanyang lola at lolo ang bata dahil sa hindi sila nagtitiwala sa manugang. Subali’t paglabas nito ng bahay ay puno ng dugo ang damit at hawak-hawak ang dalawang kutsilyo.
Pagpasok sa kuwarto ng manugang, nakita na lamang ang bata na wala nang buhay at tadtad ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Agad naman silang humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Tinangka namang magpakamatay ng manugang sa pamamagitan ng paglaslas sa tiyan.
Sa pagresponde ng mga pulis, naaresto ang salarin at nakuha ang dalawang kutsilyo saka lubid na posibleng gagamitin sana nito sa pagpapatiwakal.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang salarin at misis nitong pulis dahil narin umano sa kondisyon ng mister.