Advertisers
NADISKUBRE ng mga otoridad ang malawak na illegal drug trade sa loob ng Quezon City Jail Male Dormitory nang masamsam ang aabot sa 700 gramo ng kush, mga baril at iba’t ibang improvised weapons.
Isinagawa ito ng dalawang araw na “Oplan Greyhound” ng Quezon City Police District at Bureau of Jail Management and Penology sa loob ng piitan.
Kasunod ito nang sumiklab na riot sa nasabing kulungan noong Biyernes, Mayo 13, na ikinasawi ng isang preso at ikinasugat ng siyam iba pa.
Tinawag ng Quezon City Jail na “stage riot” ang insidente dahil base sa natanggap nilang intelligence report, isang grupo, Ang Batang City Jail, lamang ang pasimuno ng gulo.
Layunin umanong mapatalsik sa puwesto si Jail Warden Supt. Michelle Bonto upang malaya silang makapagbenta ng iligal na droga sa loob ng bilangguan.
Ito sa ngayon ang pinakamaraming kontrabandong nasabat ng mga otoridad sa loob ng Quezon City Jail Male Dormitory.