Advertisers

Advertisers

KALABIT PENGE

0 1,671

Advertisers

MARAMING aral ang napulot sa katatapos na halalan, at ibig tuunan ang kaugalian na naging dominante sa panahon ng kampanya, ang dole-out. Natali ang maraming Pinoy sa paglahok sa mga pagtitipon ng mga politiko sa ‘di maraming dahilan. Nariyan na ibig malaman ang katangian ng kandidato, malaman ang plataporma de gobyerno, makita ang karakas, makita o makasama ng personal, hinakot na pampadami at yung boluntaryo pagdalo dahil sa paniniwala. Ito ang maraming dahilan sa pagtabo sa takilya ng mga kandidato lalo sa huling araw ng kampanya.

At ng makita na may nanalo na kahit hindi pa opisyal na idineklara ang halalan sa panguluhan tila tanggap na ng ilan o ng bayan ang kaganapan sa halalan. Nariyan na ang tawag na presumptive president sa nangunguna sa bilangan. Ang paghahain na lang ng magkasamang Senado at Kongreso ang gagawin sa lutong kanin at ulam ng halalan.

Hindi na palalalimin ang usapan hinggil sa gagawin ng dalawang kapulungan, mas mainam na pag-usapan ang kaisipang nabuo sa pitong buwan na ligawan sa mga manghahalal. Sa totoo lang, nagsimula na ang ligawan noong araw na maghain ng pagnanais ang mga politiko sa pwestong ibig. Kahit maaga pa dito ang panliligaw, masasabing nagsimulang magparamdam ang mga ito, na nagpaparamdam na sa pamamagitan ng social media kahit malayo pa ang takdang pangangampanya o oplan pakilala kuno. Ito ang araw na pormal na nagbuo ang mga grupo – grupo ng kani – kanilang campaign team na tatao o nag-iikot sa lugar sa bansa upang maipakilala ang manok na dala.



Ito ang simula ng paghuhubog ng kaisipan kung anong uri ng kampanya o halalan meron ang bansa. Masidhi ang ligawan sa mga LGU officials upang suportahan na kung sino, kalakip ang ayuda sa paglulunsad ng kandidatura ng pambansang kandidato. Hindi pa naka hayag ang pangako sa kung papalarin, ang karagdagang pondo para sa LGU sa mga susunod na mga taon. Mapalad ang napasama sa nanalong manok at makakatiyak ng umaatikabong pondo.

Ating silipin ang kung paano nahubog ang kamalayan ng Pinoy hinggil sa bisa ng naganap sa buhay lalo ang pagharap sa kinabukasan. Maraming nagkaroon ng pagkakataon na bumaba ang mga nagpapahalal sa lugar na tinitirhan ni Mang Juan, Aling Marya at ng balana. Subalit saglit lang ang mga ito at hindi mahalaga, ang inaasahan sa panahong iyon ang iaabot na ayuda mula sa kandidatong dumadalaw. Dahil itatawid nito ng ilang araw ang kabuhayan ng maralitang isang kahig isang tuka. Napansin ang haba ng pila ng mga tao na naghintay sa ayuda ng halalan kapalit ang pagboto sa kandidato na madalam pa sa patak ng ulan kung makita. At sa pag-aabot ng ayuda, walang pagsasabi kung paano dapat gamitin o gugulin ang inabot na tulong. Ang mahalaga’y masabi ang ngalan ng dalang kandidato at ilagay sa balota ang ngalan ng masiguro ang panalo sa halalan. At sa halalan, maging sa pagtatapos ng bilangan, at nalaman ang kinahinatnan ng pagpapagal, ang mga pinalad ay magkakaroon ng karagdagang takits o bonus sa among kasing ilap ng manok na labuyo.



Sa pagkatapos ng halalan at napasagot na ang niligawan, tila kampante ang irog dahil makakatiyak na kuno ng magandang bukas lalo ang mga kamag-anak ng nililiyag. Tila nasa isip na makakasiguro na magpapatuloy ang ayudang natikman sa panalo ng sinuportahan. Hindi mahiwalay ang natikmang magandang buhay sa nakalipas na kaganapan kaya’t maging kapalit ang karapatan sa mabuting pamamahala. Ang iniisip na kagalingan ang ayudang umaabot sa hapag mula sa politiko’y sapat na upang mabuhay dahil nagawa na ang pagsisilbi sa kaganapan ng manalo sa halalan. Ang masakit, eh kung tumigil ang ayuda sa naging palaasang manghahalal na umaasa sa abot ng nanalong politiko na samahan. Ito ang ‘di tamang naitanim na gumupo sa pagpili ng lider na tutugon sa kagalingan pang bayan. Ang maging palaasa sa pinuno na walang alam kundi mag-abot ng ayuda ang masakit na katotohanan na mahirap baguhin lalo’t ito ang nakaupo sa silya ng kapangyarihan. Ang walang pagmumulat sa naganap na bigayan ng ayuda, tila naging palaasa ang mga marami sa ayudang dala ng politikong nagnanais na magtagal sa pwesto tinanganan. At ito ang Pilipinong nakakarami na nagluklok sa lider na ito ang hanap.

Sa totoo lang marami sa mga Pinoy na pinili ang nagbibigay sa halip na magbigay. At marahil ito ang nais ng mga mapanlinlang na politiko na magamit ang maraming manghahalal na dala ng kahirapan na umayon sa itinanim na kaisipan sa kasalukuyan at hayaan na ang kinabukasan. Ang kahirapan ang kinapital sa pagwagi sa halalan. Ang masakit, hindi nakita ng maraming Pinoy ang maaring idulot nito sa kinabukasan ng salinlahi, walang inisip kundi ang kasalukuyan. Sa kalagayang ito, aasahan ba ang pagbangon ng bayan sa hinaharap gayung pumikit sa malinaw na panlilinlang. Ang ibinigay sa halalan mas malaki ang balik sa mga namuhunan higit sa mga nagtagumpay sa pwestong asam. Huwag umasa na gaganda ang takbo ng buhay, sa halip ang natutunan na maging palaasa sa loob ng anim o pitong buwan ay sapat na upang pasanin ang kahirapan sa darating na anim na taong pamumuno ng presumptive president. Nariyan ang bagong lipunan, lipunan na palaasa sa bigay at hindi sa sariling kayod para sa pamilya. Asahan ang paggaan ng buhay ng inyong iniluklok, na ipagpapatuloy na maging palaasa kayo sa tulong nila. Kayo na ang bagong kalabit penge, para mabuhay.



Sa totoo lang, maganda ang kagawian na ipinamalas ng kalimbahin na pag-aambag para sa maayos na pamahalaan. Subalit kapos ang bilang at hindi kinaya ang pangangailangan ng nakararaming palaasa sa mga politikong nagbayad upang manalo. Hindi sapat na pagbabahagi sa tamang kaispan sa mga taong nabulag ng ayuda ng politikong ubod dami ng salapi na ginamit sa may mahigpit na pangangailangan sa kasalukuyang buhay. Malinaw na itinatawid ang pang araw-araw na pangangailangan sa halip na kinabukasan. Hindi kinaya ng mga boluntaryo at nag-iisip na kalimbahin ang pasan ng kalaban dahil sa sarili ding pangangailangan. Hindi sapat ang logistics upang mabago ang isip ng taong gipit sa buhay.

Nangyari na ang nangyari subalit hindi inaasahan na magpapatuloy ang gawi na naituro sa nakalipas na halalan. Ginawa ang paglalahad sa itaas upang gisingin ang Pilipino na ang pagsisikap ang tanging batayan sa pagbangon ng kabuhayan ‘di lang ng mamamayan kundi ng buong sambayanan. Huwag umasa sa mabilisang pakinabang, ang pagsisikap ang mag-aahon sa atin sa kasadlakan. Huwag hayaang tayo’y gapiin ng pangangailangan, tangapin ang ayuda ngunit huwag ito ang asahan lalo’t may kalakasan ang katawan ng Pinoy na ibig umasenso. At sa paparating na pamahalaan, lakipan ng pagmumulat ang halaga ng pagsisikap para sa kinabukasan. Ang pagkakaisang may pagsisikap ang isabuhay ng sa gayon ang ginhawa ng buhay ay ‘di lang sa iilan. Alisin ang kalabit penge na natutunan sa katatapos na halalan.

Maraming Salamat po!!!