Advertisers

Advertisers

PAGPASLANG AT SUGAL, HAMON KAY MAYOR MORPE!

0 655

Advertisers

MALAKING hamon sa magsisimulang manungkulang alkalde ng Rosario, Batangas ang mga karahasang nagaganap sa nasabing munisipalidad na ang itinuturong ugat ay ang malaganap na operasyon ng iligal na pasugalan na front pa ng kalakalan ng droga doon.

Pasalubong ng kapulisan ng bayan ng Rosario kay Mayor Leovy “Kuya” Morfe, ay ang sangkaterbang bawal na sugal partikular nito ay ang operasyon sa Brgy. Quilib at Brgy. San Carlos.

Ipinagmamalaki ng maintainer ng nabanggit na pasugal na may permit sila para mag-operate ng mini-carnival mula sa dating nanunungkulang Rosario town outgoing mayor.



Batay naman sa isang opisyal ng Rosario Municipal Government ay hindi ang operasyon ng mga iligal na pasugalan tulad ng color games, beto-beto, drop balls, sakla, cara y cruz, didal at iba pang table games ang binigyan nila ng permit to operate kundi ang pag-ooperate lamang ng mga rides at fun games sa nasabing peryahan.

Kaya naman, parang sampal ang operasyon ng mga iligal na pasugalang ito kay Rosario Municipal Police Office Chief, PLtCol. Karlos P. Lanuza.



Dangan kasi, may Ilang araw pa lamang ang nakaraan ay binaril at napatay si Mark Antoniuo Grit at ang hinala ay may kinalaman ang operator at tauhan ng naturang mga pasugalan sa pagpatay sa biktima.

Kaya hindi lamang ang ang pamamaril at pagkapatay kay Mark Anthony Grit, 41 ng Brgy. Quilib, ng naturang bayan ang napakalaking isyu laban kay LtCol. Lanuza, kundi maging ang garapal na operasyon nga ng mga iligal na pasugalan sa mga barangay ng Quilib at San Carlos.



Pinaniwalaan pa na ang mga kaso ng patayan, nakawan at mga di nalulutas na krimen sa nasabing munisipalidad ay mitsa ng pagpapabaya ng kapulisan sa pagkakaroon ng talamak na gambling operations sa naturang munisipalidad.

Nakikinabang nga ba talaga si Lanuza sa mga pasugalan at iba pang iligal na gawain sa kanyang hurisdiksyon, kayat bantulot itong maglunsad ng police operation laban sa mga iligalista sa hurisdiksyong kanyang nasasaklawan?

“Maagap po lamang sa pangongolekta ng intelhencia sa mga pasugalan ang ilang nagpapakilalang malapit kay hepe at napapabayaan naman ang kanilang trabaho bilang pulis”, ang text message ng isang nagpakilalang barangay kagawad sa inyong lingkod.

Sa gabi ay may nakaparada pa po na mobile car habang malakasan ang tayaan sa color games, beto-beto, drop balls, cara y cruz, sakla at didal sa kunyari ay peryahan na naipatayo sa Brgy. Quilib at Brgy. San Carlos, kaya ang hinala namin ay napapaboran nga ang ilang opisyales ng kapulisan at mga barangay officials sa aming lugar”, ang sumbong pa ng naturang barangay kagawad sa SIKRETA.

“Halata po na parang pinatatahimik ang mga mamayan na may prinsipyo at pumupuna sa mga maling nangyayari sa aming bayan pagkat si Grit po ay tutol sa operasyon nng mga sugalan at bawal na droga sa aming bayan” ang pagsisiwalat pa ng naturang barangay official sa inyong lingkod.

Ipinarating na ng inyong lingkod kamakalawa ng umaga kay Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Glicerio Cansilao ang reklamo sa mapamerwisyong sugalan sa mga nabanggit na barangay.

“Ipinorward ko na kay hepe ang iyong mensahe at may direktiba ako para agaran din itong aksyunan”, ang pagtiyak naman ni PD Cansilao sa inyong lingkod.

Hindi lamang kailangang ipatigil ni LtCol. Lanuza ang mga pasugalang matagal nang nag-ooperate sa Brgy. Quilib at San Carlos, kundi dapat din nitong ipaaresto ang mga kapitalistang nasa likod ng labag sa batas na operasyon nito.

Dapat na pigain din ni Lanuza ang mga suspek kung may kinalaman nga ang operasyon ng mga nabanggit na pasugalan sa mga kaso ng pamamaslang sa nasabing munisipalidad.

Magmumukhang kenkoy si Lanuza kung ganitong harap-harapan ay nag-ooperate 24/7 ang mga iligal na pasugalan sa mga nabanggit na barangay. Ang mga nasabing gambling dens ay gamit din na bentahan ng shabu, ayon sa naman sa ating police insider.

Ang operator at tauhan ng mga nasabing perya-sugalan ay sangkot din sa kalakalan ng droga sa mga bayan ng Rosario, Padre Garcia at San Juan at maging sa Lungsod ng Lipa.

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.