Advertisers
POSIBLENG abutin ng P400 billion ang kakailanganing pondo para maisakatuparan ang campaign promise ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos na mababang presyo ng bigas na nasa P20 kada kilo.
Pahayag ni Magsasaka Partylist Representative Argel Cabatbat, kailangan daw ng pamahalaan na maglabas ng naturang pondo sa agriculture sector para siguruhin ang basic support services at infrastructure.
Ito ay para maputol din ang mataas na gastos sa production at marketing maging ng labor-intensive farm practices.
Ayon pa kay Cabatbat, dapat daw ay magkaroon ng tiwala ang mga policymakers sa mga magsasaka sa bansa at ibigay ang karampatang suporta na kanilang kinakailangan para sa muling mapasigla ang rice planting activities sa bansa.
Inihalimbawa ni Cabatbat ang Thailand at Vietnam na suportado ng kani-kanilang bansa ang mga magsasaka at mayroon silang comprehensive mechanization program.
Sa pamamagitan nito ay nae-enjoy daw ng mga ito ay mas mataas na ani at ang mas murang production costs sa mga nagdaang taon.
Sinabi nitong tinitignan din niya ang matagumpay na models gaya ng “megafarm” concept ng Agrarian Reform department at ang Provincial Food Council program ng Nueva Ecija.
Ipinunto ni Cabatbat na dahil dito ay tumaas daw ang ani at kita ng mga magsasaka sa Tarlac at Nueva Ecija.
Inihirit din nito ang pag-review sa Rice Tariffication Law na siyang dahilan kung bakit bumaha ang mga import na produkto sa merkado.