Advertisers
Nasawi ang driver at pahinante ng isang delivery truck nang tumagilid sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya, Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina si Raymond Santos, 35, driver; at Mark Anthony Juan, 23, pahinante, at kapwa residente ng Burgos, Ramon, Isabela.
Sa imbestigasyon ng pulis, galing Manila ang truck na may kargang feeds at papunta sanang Isabela nang biglang mawalan ng kontrol habang binabaybay ang kurbadang bahagi ng national highway sa Barangay Gabut.
“Sharp curve po doon na medyo palusong po siya. While negotiating ‘yung sharp curve, na-lose control ‘yung driver, kasi sumayaw daw ‘yung sasakyan, tapos tumumba sa right side dahil na rin sa bigat ng karga niya,” sabi ng imbestigador na si Pol. SSgt. Leonie Ross Manangan.
Matapos tumagilid, dumausdos pa ng ilang metro ang truck hanggang bumangga sa concrete barrier na nasa kabilang gilid ng kalsada.
Nayupi ang cowl ng truck kaya naipit ang driver at pahinate nito.
Ilang oras pa bago nakuha ng mga rescuer ang dalawa na agad isinugod sa ospital pero idineklara silang dead on arrival ng umasikasong doktor.
“Hindi sila naka-seatbelt kaya parang dun silang dalawa na sa ibaba, kumbaga nagkaipitan na sila doon. Hindi po sila makuha-kuha… kinailangan pa ng backhoe para mahila ‘yung truck,” ani Manangan.
Nahulog naman sa bangin ang mga kargang feeds ng truck.
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.
Samantala, patay ang driver ng tumagilid na delivery truck ng alak sa national highway ng Old Cabalan, Olongapo City nitong Lunes.
Sa ulat ng Olongapo City Traffic Investigation Unit, kinilala ang nasawing driver na si Roberto Mabini, 59 anyos, at residente ng Hulo Sto. Cristo, San Isidro habang ang helper nitong si Jilbert Mabini ginagamot sa ospital.
Sa report, nawalan ng kontrol ang truck na dahilan para bumagsak ito kung saan tinamaan ang isang nakaparadang motorsiklo at gate ng isang bahay.(Mark Obleada)