Advertisers
Magkahalong lungkot at saya ang nadama ng sambayanang Pilipino sa ginanap na inagurasyon ng ika-17 Pangulo ng bansa kamakalawa ng tanghali.
Nangahulugan kasi ito ng pamamaalam ng isang papaalis na presidente at pagpasok naman ng isang handang maglingkuran bilang susunod na lider ng bansa.
Ganap na alas-12:00 ng katanghalian nang pormal na manumpa bilang presidente ng Pilipinas si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa makasaysayang lugar ng National Museum of the Fine Arts sa lungsod ng Maynila matapos ang courtesy call na ginawa ni Marcos sa Malacanang para sa tradisyunal na “send off” kay Duterte.
Nanumpa si Marcos na nakataas ang kanang kamay at nakapatong ang kaliwang kamay sa makapal na bibliya sa harap ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.
Naganap ito matapos ang maiksing programa na inabot ng 30 minuto kasama na ang military at civic parade.
Sa kanyang inaugural speech, tiniyak ni Marcos na hindi mababaliwala ang kanyang mga ipinangako noong kasagsagan ng halalan.
Ayon sa kanya, panahon na para suklian kung ano ang pangangailangan ng taongbayan at gagawin niya raw ang lahat para ito ay magawa.
Sa kanyang 25 minuto na talumpati, binigyang diin nito na ang kanyang pagkaluklok ay hindi upang balikan ang nakaraan kundi ang kinabukasan.
“I am here not to talk about the past, I am here to tell you about our future. A future of sufficiency, even plenty of readily available ways and means to get done what needs doing by you, by me,” ani Marcos. “We do not look back but ahead. Up the road that we must take to a place better than the one we lost in the pandemic. Gains made and lost, opportunities missed, well-laid plans superseded by the pandemic.”
Igiiniit nito na maraming magagawa para matiyak ang maayos na kinabukasan lalo na at marami ang nawala at naperhuwesyo dahil sa epekto ng COVID pandemic.
Kabilang din sa tinalakay nito ang napabayaang sektor ng agrikultura na kanyang bibigyang pansin, ang epekto ng giyera sa Ukraine at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Nagpahapyaw din ito sa mga kritiko ukol naman sa mga gagamitin sa pag-aaral ng mga bata sa paaralan.
Kung maalala una nang nangangamba ang ilang sektor na baka baguhin ang kasaysayan lalo na sa mga libro na ituturo sa mga bata ukol sa isyu ng martial law.
Sinabi ni Marcos na ang ninanais niya ay back to basics, lalo na sa mga sciences, theoritical aptitude at vocational skills.
Ipinagmalaki niya na katuwang nya rito ang kanyang Vice President Sara Duterte na hahawakan din ang DepEd.
Kasabay nito, nangako rin naman ang bagong pangulo na sapat na anim na taon upang magkaroon ng malaking pagbabago sa bansa.
Lahat umano ng mga lugar sa bansa ay titiyakin niyang hindi pababayaan.
“I am here not to talk about the past, I am here to tell you about our future. A future of sufficiency,” pagbibigay diin pa ni Marcos.
Samantala, nagbigay pugay din naman si Marcos sa pinalitan niya na si dating Pangulong Rodrigo Duterte lalo na sa magaganda nitong nagawa kabilang na sa mga programa sa imprastratuka na lalo pa niyang pag-iibayuhin.
Di dumalo si outgoing President Rodrigo Duterte sa inagurasyon ni PBBM at sa halip ay nagtungo ito kasama si Senator Bong Go sa isang mall sa Makati City.
Agad ding umuwi si Tatay Digong ng Davao City lulan na isang commercial flight.
WELCOME PBBM, GOODBYE PRRD!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com