Advertisers

Advertisers

KAAWA-AWA ANG MGA NARSES, TAAS NG SAHOD KAILAN IBIBIGAY?

0 283

Advertisers

OVERWORKED, underpaid: ‘Yan ang kalagayan ng ating Filipino doctors at nurses.

Talo pa nila ang kalabaw kung magtrabaho ang mga narses natin sa mga private at public health facilities, tapos mababasa mo, ‘yung mga taga-PhilHealth, mga nasa SSS, GSIS officials, pakuya-kuyakoy lang, papirma-pirma lang, gawa lang nang gawa ng mga policy na kinopya lang kung saan-saan, nagbubulsa ng pinakamababa ay tatlong milyon isang taon!

Modern heroes kung tawagin natin sila—mga doktor, narses at iba pang health workers – pero paano natin itrato ang ating ‘unsung heroes?



Ayon sa Medical Information Research Information Center Global (MRICG), bawat taon, nakalilikha tayo ng 38,000 narses at 4,500 doktor; sa ngayon, mayroon ang bansa ng mahigit sa 130,000 manggagamot, at mahigit sa 500,000 registered nurses (RN), pero ang malungkot, marami sa kanila, lalo na sa mga narses, wala sa mga ospital at klinika.

Dahilan ay ang maliit na pasahod, lalo na kung ikokonsidera ang mahirap at matiyagang pag-aaral nila, at ang matiyagang pagpasa sa eksamen para mabigyan ng lisensiya.
***
Nitong nakaraang taon ay pinuri natin ang lahat ng health frontliners na marami-rami na rin sa mga doktor at narses ang namatay sa pag-aalaga sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19!
Sabi ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa P8,000 – P13,500 kada buwan ang sahod ng mga nars sa mga pribado at ospital ng gobyerno.



Pero may iba na sumasahod ng mas mababa pa rito at nagtitiyaga lamang, kaysa walang mapasukang trabaho.

Madalas, hindi sila nasasahuran sa trabahong lampas sa 8-hour shift at ang iba, deretso na 16 oras na trabaho, kung may mga kapwa nars na lumiban sa trabaho.



Masakit pa, madalas na sinisisi, pinagagagalitan at minumura pa ang mga nars kungdi agad maasikaso ang mga pasyente, kasi, kulang na sa mga gamit, bugbog-sarado sa dami ng ginagawa at dahil sa sobrang pagod.

Kulang na kulang ang nars kumpara sa dami ng pasyente – na ang tamang dami ay sa ratio na isang nars sa 12 pasyente (1:12), pero sa ibang pribadong ospital, 2:50 hanggang 2:64 ang ratio, ayon sa Department of Health.
***
Daan-daan bilyong piso ang pondo ng DoH pero ang pamahalaan ay patumpik-tumpik sa pagkuha ng nars at doktor para tumulong sa ating mga ospital lalo na ngayong nasa pandemya pa tayo.
Bakit nga naman magtitiyaga ang mga narses natin sa ating mga ospital kung may mas magandang oportunidad sa ibang bansa?

Maganda na ang kondisyon sa trabaho, malaki pa ang suweldo, at kahit sino ay mahahatak sa ambisyong umalis sa Pilipinas at sa US, Canada, Australia, sa mga bansa sa Middle East at iba pang bansa magtrabaho.

Malaki ang demand sa ating narses dahil sa di-matatawaran ang galing nila at husay at karanasan, bukod sa masisipag na, bihasa pa sa English na kailangan sa trabaho sa ibang bansa.

Ang nakaiinis pa, sa kabila na may utos ang Supreme Court sa gobyerno na itaas sa minimum na sahod saP30,531 (salary grade 15) kada buwan ang sahod ng mga narses sa publikong ospital, hindi pa rin ito naipatutupad.

Kung kailan ito gagawin ng DOH, walang makapagsasabi.

Hanggang ngayon, bingi o talagang walang pakialam ang pamunuan ng DoH sa kaawa-awang kalagayan ng mga narses natin.

Panahon pa ni dating Presidente Cory Aquino ay dumadaing na ang mga narses natin, pero ang pangarap na pagtataas ng sahod ay mananatili yatang pangarap na lamang.

Kung kailan magsisilayas na ang mga ito saka gagalaw ang gobyerno natin?

President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., beke nemen!