Advertisers
SA laki ng problemang kinakaharap ng ating bansa ngayon, puros pagsisipsip parin sa administrasyong Marcos ang mga isinusulong na panukula ng ilang mambabatas.
Oo! Sa halip na pag-aralan kung paano makabangon ang Pilipinas sa napakalaking utang (higit P12 trillion), malutas ang matinding problema sa agrikultura, paglaban sa Covid-19, masolusyunan ang mataas na presyo ng mga produkto ng petrolyo, mapababa ang inflation rate, masawata ang korapsyon at mapulbos ang mga sindikato sa mga iligal na droga, ang pagpapalit ng pangalan ng airport at pagpalawig ng termino ng presidente ang itinutulak ng ilang mambabatas na sumisipsip sa bagong administrasyon.
Nagreak tuloy ang nagretiro na sa politika na si ex-Senator Franklin Drilon, isa sa pinakamahusay na naging mambabatas ng ating bansa. Aniya, pagtuunan muna ng pansin ang mas mahahalagang isyu sa bansa kaysa sa pagpapalit ng pangalan ng paliparan: “We urge the 19th Congress to address the more urgent issues of inflation, the economy, education and other national concerns rather than such divisive issues as the name of an airport.”
Ito’y reaksyon ni Drilon sa panukala ni Congressman Arbulfo Teves, Jr. ng Negros Oriental na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng Ferdinand Marcos Int’l Airport. Dahil ang yumaong ama ng Pangulong BBM daw ang may gawa ng naturang paliparan. Ngek!
Paanong si FM Sr. ang nagpagawa ng NAIA na dating Manila International Airport (MIA) eh nagbukas ito 1948. Si FM Sr. ay naging Presidente 1972.
Maari pang sabihin na si FM Sr. ang nagpa-improve sa MIA. Na pinalitan ng NAIA matapos paslangin dito ang dating Senador Ninoy Aquino, mister ni late President Cory at ama ng yumao ring lider ng bansa na si Noynoy.
Si Congressman Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga naman ay isinusulong na gawing limang taon ang termino ng presidente at mayroong reelection, at kung ano ang boto ng presidente ay ganun din ang sa bise nito. Ala-United States baga. Pero ang sa US ay 4 years lang ang term ng pangulo at may reelection at kung ano ang boto ng presidente ay ganun din ang kanyang bise.
Pumalag rito ang magkapatid sa ama na sina Senador Jinggoy Estrada at JV Ejercito. Masyado raw itong self serving. Mismo!
***
Apat na artistang senador ang may planong gumawa ng special bloc, tatawaging ‘Apat na Sikat’. Ito’y sina Bong Revilla Jr., Lito Lapid, Jinggoy Estrada at Robin Padilla.
Isang netizen ang nag-reak rito. Anito, mas bagay sa apat na ito na gumawa ng pelikulang ‘The Nonsense Senators’. Aray ko!
Sa kanilang apat, dalawa sa kanila ay nakulong na sa Plunder, ang isa ay ex-convict, at ang isa pa ay naakusahan narin ng Graft noong alkalde pa.
Pero, sabi nga, ang mga Pinoy ay madaling makalimot at nangingibabaw parin ang paghanga sa artista. Mismo!
***
Many many thanks to Congwoman Jaye Lacson-Noel ng Malabon City, Senators Nancy Binay, Joel Villanueva, Risa Hontiveros at Imee Marcos sa pagbigay ng ‘GL’ para sa isang batang may sakit, Mariene Elyz Condes-Venancio, mula sa Sta. Fe, Tablas, Romblon, na naka-confine sa Philippine Children Medical Center. Maraming maraming salanat po, mga ninang at ninong.