Advertisers

Advertisers

MALI ANG COURT OF APPEALS NA ‘RE-PUBLISHED’ KUNO ANG ARTIKULO NG RAPPLER

0 626

Advertisers

Ang ating pag-usapan ngayon ay ang aking tinuturing na walang takot na pagsasabi na nagkamali ang Court of Appeals (CA-G.R. CR No. 44991) sa pagbasura sa apela ni Maria Ressa at Reynaldo Santos, Jr.

Ang apela na ito nina Maria at Rey ay mula sa Decision ng RTC Manila, Branch 46, na nilagdaan ni Presiding Judge Rainelda Montesa, kung saan ay diniklara nya na nagagawa nina Maria at Rey ang krimen na cyberlibel.

Wala na sanang sabit sila Maria at Rey nang nai-post o na-publish nila noong May 29, 2012 sa Rappler ang balita na may pamagat na “CJ using SUVs of ‘controversial’ businessmen.”



Sa petsa na yun ay wala pang batas na cyber libel.

Ito ay dahil ang Cybercrime Prevention Act ay nilagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino nito lamang Septemebr 12, 2012 at naging batas ito 15 days matapos ito mai-limbag sa Official Gazette at mga national newspapers.



Kahit sabihin nating libelo nga ang balitang nai-post nila Maria at Rey, ligtas na sana sa priso sila Maria at Rey dahil wala pang batas na nagpaparusa nang nai-limbag nila sa Rappler.com ang istorya na may pamagat na: “CJ using SUVs of ‘controversial’ businessmen.”

Ang istorya kasi na nirereklamo ni William Keng sa news story na yan ay ni-report na mayroong isang intelliegence report na nagsasabi na sya ay sangkot sa illegal na droga.



Dinidiin ni William Keng na hindi sya kailanman naging sangkot sa illegal na droga at nagsumite pa sya ng certification ng PDEA at PNP na wala sya sa anumang listahan ng mga sinusubaybayan dahil sa illegal na droga.

Pumasok ang kalbaryo nila Maria Ressa at Reynaldo Santos Jr. nang kinorek nila ang SPELLING NG SALITANG “EVATION” at ginawa nila itong “EVASION.”

Ang salitang “evation” kasi ay siyang naging pamagat sa loob ng istorya na sangkot din daw sa “smuggling” at “tax evasion.”

Dahil sa mali ang spelling, kinorek ng Rappler ang spelling mula sa “evation” at ginawa itong “evasion.”

Ang naging problema nila Maria at Rey ay ang koreksyon ay ginawa kuno noong February 5, 2014.

Noong February 5, 2014, hindi pa maipatupad ang Cybercrime Prevention Act na RA 10175 dahil sa nilabas ng Supreme Court ang Temprorary Restraining Order (TRO) noong October 9, 2012.

Isa po ako sa nagsampa ng petition na kumontra sa Cybercrime Prevention Act at kasama sa aking kinontra na kung saan ako ay kinampihan ng Supreme Court na “labag sa Konstitusyon ang pagbawal sa mga unsolicited advertisement, gaya ng mga biglang papasok sa email mon a patalastas ng mga produkto.”

Nanalo rin ako sa aking pagkontra sa batas na ito sa pagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Justice na kusa na lang nito tanggalin sa internet ang mga pinaghinalaan nitong mga website. Kinampihan ako ng Supreme Court sa aking argumento na korte lamang ang may kapangyarihan na mag-utos ng pagpatanggal ng website pagkatapos ng pagdinig.

Anyway, balik tayo sa problema nina Maria Ressa at Reynaldo Santos, Jr.

Uulitin ko lang, lusot na sana sila sa problemang kulong kung hindi nila binago ang spelling ng “evation”.

Dahil sa binago nila ito at ginawang “evasion”, tinuring ito ng RTC Manila, Branch 46 at, ngayon, Court of Appeals na “re-publication” ng libelo, na ito raw ay BAGONG PAGLILIMBAG at hiwalay na kasalanang libelo kaysa sa libelo na nangyari kuno nang mag-post sila ng balita nay un noong May 29, 2012.

Hiwalay ba talaga ito na libelo ang bersyon na kinorek na ang spelling ng “evation” sa “evasion.”

Ang matapang na sagot ko ay: MALI ang Court of Appeals; MALI ring ang RTC Manila.

HINDI HIWALAY NA LIBELO ang kinorek na bersyon AT WALANG KATWIRAN at WALANG BATAS NA NAGSASABI NA ITURING ITO NA HIWALAY NA LIBELO.

Ano ang katwiran ni Atty. Berteni “Toto” Cataluña Causing?

Ang unang bersyon na mali ang spelling na “evation” ay IISA LAMANG NA LIBELO kaysa bersyon na tama ang spelling na “evasion.”

Bakit iisa lang at hindi hiwalay na krimen na libelo?

Una, ang parehong balita na may title na “CJ using SUVs of ‘controversial’ businessmen” ay HINDI NAGBAGO ang link address o website address pagkatapos na maikorek ang spelling ng “evation” na ginawang “evasion.”

Ang link address ng naunang bersyon ng “CJ using SUVs of ‘controversial’ businessmen” ay https://www.rappler.com/newsbreak/6061-cj-using-suvs-of-controversial-businessmen/.

Ang link address matapos makorek ang spelling at naging “evasion”, ay ganoon pa rin: https://www.rappler.com/newsbreak/6061-cj-using-suvs-of-controversial-businessmen/.

Pangalawa, hindi rin nagbago ang date of publication na nakalagay sa istorya, May 29, 2012 sa unang bersyon at May 29, 2012 din sa pangalawang bersyon.

Pangatlo, hindi nagbabago ang nagbabasa ng Rappler sa pangalawang bersyon kung ikumpara sa unang bersyon at ito ay ang subscribers nito.

At kung may bagong mga readers din, imposible na ito malalalaman at hindi nagpresenta sa korte si William Keng kung sino ang mga bagong nagbabasa na nakabasa sa pangalawang bersyon.

Pang-apat, hindi naman nabago ang mensahe ng istorya nang binago ang spelling ng “evation” at “evasion,” na ang lahat ng nakabasa sa unang bersyon ay hindi rin magbabago ang reaksyon ng kaisipan dahil sa pangalawang bersyon.

Pang-lima, walang batas na nagsasabi na ang nai-publish ulit na luma na balita ay bagong publication.

Tanging batas lamang ang pwedeng magkulong sa tao.

Ang interpretasyon ng Supreme Court ay hindi pwedeng gawing basehan para ikulong ang tao

Ulitin ko: TANGING BATAS LAMANG NA NAGSASABI NA IKULONG ANG TAO KUNG MAY GINAWA NA ISANG BAGAY.

Ang sasabihin ng Supreme Court ay interpretasyon lamang kung ano ang ibig sabihin ng mga hindi malinaw na salita sa mga batas: kahit na dapat susundin natin anuman ang sasabihin ng Korte Suprema.

Ibig sabihin, ang kasalanang nagawa noong wala pang batas na nagpaparusa ay hindi pwedeng parusahan.

Sinasabi ito sa libro ng criminal law na: “There is no crime if there is no law punishing it.”

Ito ay paborito kong ina-argumento sa korte na sa salitang Latin, na: “NULLUM CRIMEN NULLA POENA SINE LEGE.”

At, uulitin ko pa rin, walang batas na nagsasabi na ang taong magpa-publish ulit ng kaparehong libel ay makukulong.

Pang-anim, ang sinasabi ng Court of Appeals at RTC na desisyon kuno ng Supreme Court sa “MARCELO SORIANO versus INTERMEDIATE APPELLATE COURT, G.R. No. 72383 November 9, 1988 ay hindi sumusuporta sa rason ng Court of Appeals at RTC Manila, Branch 46.

Ang sinasabi ng RTC at Court of Appeals sa kaso ng pagkorek ng spelling ng “evation” para gawing “evasion” na ito ay re-publication ay nakabase raw sa kasong “Soriano vs Intermediate Appellate Court” na kung saan ay nagsabi ang Supreme Court na sa pananalita ni Justice Hugo Gutierrez Jr. na sa bawat pag-uulit ng publication ng ganoong kaparehong artikulo ay hiwalay na libelo ang nabubuo.

Basi sa desisyon ni Justice Hugo Gutierrez, mali po si Justice Roberto Quiroz ng Court of Appeals sa pagsabi na ang bagong bersyon na ang spelling ay “evasion” ay hiwalay na libelo.

Bakit mali?

Kung basahin mo ng maige at intindihin ng malalim ang kasong “Soriano vs IAC”, ang tinutukoy ni Justice Gutierrez na hiwalay na publication ay ang press release odi sulat na pinamigay ni Ady Sison sa ibat-ibang tao at dyaryo sa Leyte.

Na dahil hiwalay ang publication ng bawat press release o sulat na binigay sa Tacloban City, Leyte, kaysa nailabas at na-publish na parehong press sa magazine na “THE GUARDIAN” sa Manila, hindi pwedeng makasuhan sa RTC Tacloban City ang publisher ng “THE GUARDIAN.”

Ibig sabihin, sinabi ng Supreme Court na mali ang RTC ng Tacloban City na isama si Marcelo Soriano at Bobby dela Cruz ng “THE GUARDIAN” para litisin sila sa Tacloban nang dahil lamang na ang na-publish sa “THE GUARDIAN” na press release ay kapareho “word for word” kung ikumpara sa mge press statements na pinamigay sa Leyte.

Ibig ring sabihin, klaro sa desisyon ng Supreme Court na ang re-publication ay ang MGA PRESS RELEASES o PRESS STATEMENTS na parehong-pareho bawat salita at letra kung ikumpara sa ISTORYA NA NILIMBAG NG “THE GUARDIAN.”

Ibig sabihin, ang re-publication na pinag-uusapan sa kaso ng “SORIANO VERSUS IAC” ay napakalaki ng pagkakaiba kung ikumpara sa kaso ng Rappler.

Sa Rappler, kaparehong post o kaparehong published story ay pinalitan lamang ng spelling ang “evation” sa unang bersyon para maging “evasion” sa pangalawang bersyon.

Kaya, hindi maaring maituring na hiwalay na libel ang pangalawang bersyon na binago lang ang spelling ng “evation” para magiging “evasion.”

Pang-pito, klaro na TANGING UNANG PUBLICATION o UNANG PAGLILIMBAG LAMANG ang kinikilala sa Article 360 ng Revised Penal Code at hindi na binigyan pa ng batas na ito ng hiwalay na pagtawag na bawat publication ay libel din.

Tandaan, na sa pagbasa ng isang tao sa isang balita, ito ay itinuturing na ng batas na publication.

At kung bawat basa ng isang tao ay publication, pwede bang sabihin na isang milyon na publication ang nangyari dahl sa isang ilyon din ang nakabasa ng balita?

Mali at awkward ito, dahil kung papayagan ito ay pwedeng mangyari na si Maria Ressa at Reynaldo Santos Jr. ay makulong ng 8 years x 1 million o di kaya ay 8 millyon years na pagbibilanggo.

***

Si Toto Causing ay makakadaupang-palad sa kanyang Facebook Fan Page na Berteni “Toto” Cataluña Causing na pwede ring i-click sa link naito:
https://www.facebook.com/Berteni-Toto-Catalu%C3%B1a-Causing-512584675440502.
Maaari ding siya ay mabisita sa kanyang Youtube videos na https://www.youtube.com/BerteniTotoCatalu%C3%B1aCausing/videos at doon mag-comment sa kahit aling video post ni Toto Causing. Pwede ring tingnan ang kanyang Instagram account sa https://www.instagram.com/bertenicausing/ at mag-comment din doon. Pwede ka ring magpadala ng message sa kanyang Viber account na 09173007796 at Whatsapp account na 09173007796.
*** *** ***
Sinisiguro ko po na babasahin ko lahat ng inyong mga sinasasabi. Maraming Salamat at patuloy na mag-ingat sa Covid-19.