Advertisers
SA sahig na nakaupo ang marami sa mga estudyante ng Maragatas Integrated School sa Lupon, Davao Oriental dahil sa kakulangan ng mga armchair sa paaralan.
Ayon sa ulat, mahigit sa 40 ang mga estudyante sa isang klase.
Sinabi ng isang guro, ganito ang sitwasyon sa halos lahat ng section mula Grade 1 hanggang Grade 9 sa kanilang school.
“Dati-rati kasi, complete po ‘yan every room. Mayroon kasi tayong nadagdag na junior high school, kaya ‘yung ibang chairs na supposedly for elementary, napunta po sa mga high school. Kaya nagka-short po ng mga upuan,” kuwento ni Philip Medillo.
Ayon pa kay Medillo, mula Lunes hanggang Miyerkoles ang pasok ng mga bata sa paaralan. Tuwing Huwebes at Biyernes module lamang sa bahay.
Buong araw ang klase nila kaya buong araw din nagtitiis sa sahig ang mga bata habang nagkaklase.
Napipilitan nalang ang ibang guro na gumastos ng sarili nilang pera para makapagpagawa ng upuan at mahabang lamesa para sa mga bata.
“Yung sira na armchairs dati, kinukumpuni namin. Ang ‘yung isang kasamahan ko, diskarte nalang, nagpagawa nalang ng long table at upuan,” dagdag ni Medillo.
Ayon din sa guro, nahihirapan din na maka-focus ang mga estudyante dahil sa hirap nang sa sahig nakaupo.
Una nang nagbigay ng mga upuan ang Department of Education (DepEd) sa Maragatas Integrated noon.
Pero dahil nadagdagan nga ng mga estudyante ngayon, kulang na.
“Nag-request na kami dati sa district namin, on the process pa raw. Matagal na ilang years na,” ayon kay Medillo.
Wala pang pahayag ang Department of Education Region XI ukol dito.