Advertisers
NAIS paimbestigahan sa Senado ni Senador Risa Hontiveros ang sunud-sunod na kaso ng sexual harassment ng mga guro sa iba’t ibang paaralan sa Pilipinas.
Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 168, binanggit ni Hontiveros, na siyang may-akda ng Safe Spaces Act, ang mga insidente ng harassment at pang-aabuso na kinasasang-kutan ng mga guro sa Bacoor National High School sa Cavite, St. Theresa’s College sa Quezon City, at Philippine High School for the Arts sa Los Baños.
“Sigurado na hindi lang ang mga paaralang ito ang may mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, at harassment. Kadalasan, ang mga victim-survivors ay hindi nag-rereport dahil ang kanilang mga abuser ay mga person of authority. How many more if our students are suffering in silence? Hindi pwedeng hayaan lang natin ito,” sabi ni Hontiveros.
Nauna nang naghain ang senador ng Proposed Senate Resolution No. 26, na nagtutulak sa Senado na imbestigahan ang naiulat na kultura ng pang-aabuso, harassment at karahasan sa Philippine High School for the Arts (PHSA). Inihain ang resolusyon matapos ibunyag ng Vice World News na ang mga mag-aaral ng PHSA ay nakaranas ng pang-aabuso mula sa mga guro, non-teaching staff, at mga estudyante.
“Ang mga isyu sa mga resolusyon ay tatalakayin sa pagdinig sa susunod na linggo, in time para sa pagbubukas ng face-to-face classes. Hindi pwedeng hindi ito matugunan habang papasok na ang ating mga anak sa eskwela. Ang mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na kanlungan para sa mga mag-aaral,” sabi ni Hontiveros.
Idinetalye rin ng PSR No. 168 ang mga ebidensyang ibinahagi online ng mga survivor mula sa Bacoor National High School. Kabilang dito ang mga mensahe ng mga pamilyadong guro na pinipilit at binubuyo sila sa ilegal at imoral na relasyon kahit na tahasan nila itong tinatanggihan.
Binigyang-diin din ng senadora na ang Safe Spaces Act ay nagtatakda sa lahat ng paaralan, pampubliko man o pribado, na maglathala ng grievance procedure at magtalaga ng isang officer-in-charge na maaaring tumanggap ng mga reklamo tungkol sa mga paglabag sa batas na ito.
“Sumusunod ba sa batas ang ating mga paaralan? Ang mga kaso ng sexual harassment na dinala sa paunawa ng mga institusyong pang-edukasyon ay dapat lutasin sa isang malinaw, pro-aktibo, at napapanahong paraan upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng hustisya. Tila nagiging last resort ng mga estudyante ang pagrereport sa social media ng kanilang karanasan dahil baka hindi sila pinapakinggan o sineseryoso sa kanilang mga paaralan,” paliwanag pa ni Hontiveros. (Mylene Alfonso)