Advertisers
MARAMI ang naitalang patay kabilang na ang pagkasira ng maraming ari-arian makaraan manalasa ang bagyong Paeng mula sa Mindanao hanggang sa Luzon kaya nailagay pa sa State of Calamity ang apat na rehiyon sa bansa.
Pero ang mapait na balita ay yung mga namatay nang dahil sa rumagasang tubig na may kasamang lupa o putik kaya pati mga bahay ay nasira lalo na roon sa Mindanao kung saan naitala ang pinakamaraming namatay sa unang mga araw pa lamang ni Paeng.
Kamakailan ay umikot sa iba’t-ibang lugar ang Pangulo upang matanaw nito ang pinsalang idinulot ni Paeng. Nagimbal ang Pangulo sa kanyang nakita kaya agad nitong ipinag-utos ang pagtatanim ng mga puno. Aba’y hindi biro ito, taumbayan!
Ito ang bagong direktiba ng Pangulo lalo na roon sa tinatawag sa Ingles na ‘flood-prone areas’ o yung mga lugar na madalas tamaan ng baha o kaya ay yung mga lugar na posibleng tamaan ng nakamamatay na baha sa darating na panahon.
Natitiyak kong ang kanyang nakita ay mga kalbong kabundukan na sinira ng iligal man o ligal na pagtotroso. Kasama rin sa mga sumisira ng kabundukan ang iligal man o ligal na pagmimina.
Hindi ko sinasabing itigil ang ligal na pagtotroso, hindi ko rin nais ipatigil ang ligal na pagmimina dahil kailangan natin ito. Subalit kailangan masiguro ng gobyerno na responsable ang mga ito sa pagpapanatiling makulay ang ating mga kabundukan.
Pero ang katotohanan na ito ay matagal nang problema. Matagal nang ipinanawagan ng maraming sektor ng lipunan sa gobyerno ang pagbibigay ng sapat na atensiyon upang labanan ang banta ng pang-aabuso sa ating kalikasan.
Hindi na bago ang mga ganitong eksena kaya hindi tama o wasto na sisihin natin ang Pangulo sa pinsalang naging hatid ng Paeng dahil noon pa man ay marami nang ganitong mga pangyayari pero kapag lumipas na ay tulayan nang nalilimutan.
Sana sa direktibang ito ng Pangulo na sa unang yugto pa lamang ng kanyang pamumuno sa bansa ay magkaroon ng tunay na epekto upang muling buhayin ang ating kabundukan para makatulong sa pagpusa o pagpigil sa tiyak na kapahamakan na dulot ng nakamamatay na baha.
Madaling sabihin na magtanim pero sa totoo lang ay hindi madaling gawin ito dahil kailangan ng isang matigas na Pangulo upang masigurong matutupad ang aktibidad na ito na magliligtas sa ating kalikasan na siya rin magliligtas sa ating mga kababayan sa tuwing may bagyo.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com