Advertisers

Advertisers

Mayora Honey sa 159th bday ni Bonifacio: “Maging bahagi tayo ng pagbuo, ‘di ng pagkasira”

0 143

Advertisers

“MAGING bahagi tayo ng pagbuo, hindi ng pagkasira. Maging daan tayo ng pag-unlad,hindi ng pagbagsak.”

Ito ang panawagan ni Manila Mayor Honey Lacuna matapos na pangunahan ang paggunita nang 159th birth anniversary ni Gat Andres Bonifacio na ginanap sa Bonifacio monument sa Tondo, Manila nitong Miyerkules kung saan umapela siya ng pagkakaisa sa mga duly-elected officials ng bansa upang matiyak ang tagumpay sa pamamahala na magbibigay benepisyo sa bawat isang mamamayan.

Naroon din sa nasabing okasyon sina Vice Mayor John Marvin Yul Servo Nieto, city councilors, kaanak ni Gat Andres Bonifacio, Alvin Alcid ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Division of City Schools Superintendent Dr. Magdalena Lim, Jessica Santos ng Tutuban Properties, Inc. at mga kinatawan ng Most Worshipful Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines pati na ang Order of the Knights of Rizal, pati na ang mga department heads.



Hinikayat din ng lady mayor ang lahat na gayahin si Bonifacio na inuna ang pagmamahal sa bayan at isinantabi ang personal na interes at kapakanan na sukdulang ikinasawi ng kanyang sariling buhay.

“Ipamalas natin ang malasakit di lamang para sa sarili kundi para sa iba. Sundin natin ang mga payak na batas at pairalin natin ang malawak na kaisipan. Ialay natin ang ating panahon sa mga makabuluhang gawain. Manindigan tayo sa tama, di lamang sa salita kundi lalo na sa ating mga ginagawa,” pahayag ni Lacuna sa kanyang remembrance message.

Idinagdag pa nito na: “Mahalaga ang pakikiisa ng lahat sa sinumang pinuno na nahalal ng higit na nakararami. Alalahanin natin na ang tagumpay ng pamahalaan, ay tagumpay ng taumbayan. Sama-sama nating harapin ang anumang hamon o pagsubok nang may pagtitiwala at pagmamalasakit sa isa’t isa. Gamitin nating inspirasyon ang kadakilaan ni Gat Andres Bonifacio. Panaigin natin ang ating pagka-Pilipino.”

Nagpahayag din si Lacuna ng pagmamalaki sa pagiging true-blooded Manilan ni Bonifacio kung saan inilarawan niya ito bilang : “Isang tunay na Batang Maynila, may puso at malasakit sa bansa” kung saan ang buhay ay nagsilbing inspirasyon na magsikap sa kabila ng kahirapan at maging instrumento sa pakikipaglaban sa lahat ng uri ng kawalang hustisya.

“Sa mga nasaksihan niyang panggigipit at paglapastangan sa mga karapatang pantaong dulot ng mga mananakop ay nanindigan siya at pinamunuan ang paghihimagsik at hinirang siya bilang supremo ng Katipunan,” pahayag ng lady mayor.



“Ito ang hamon sa atin sa kasalukuyang panahon. Wala mang dayuhang mananakop tayong kailangang labanan, ngunit mayroon pa ring mga panlipunang suliranin tayong kinakaharap. Ganap man nating tinatamasa ang Kalayaan, ngunit mayroon pa rin sa ating nakararanas ng pang-aabuso, pagmamalabis, at paninikil ng mga mapagsamantalang indibidwal,” dagdag ng alkalde.

Sinabi ni Lacuna na ang mga Filipinos ay nagpakita ng laka at katatagan sa panahon ng pandemya sa loob ng dalawat kalahating taon, at patuloy na humaharap sa mga paghamon sa pang-araw-araw na buhay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang pamilya.

Sa kabila ng lahat ng ito, ayon kay Lacuna, ang tanging puwedeng pagmulan ng pag-asa at tulong ay walang iba kundi ang pamahalaan, lokal man at national at maging ang mga opisyal na patuloy na nagsisikap na makapagbigay ng serbisyo at programa upang maibsan ang mga problemang dala ng pandemya.

Sa kabilang banda, binigyang diin ni Lacuna ang importansya ng kooperasyon, pakikilahok at suport ng publiko at sa kaso ng Maynila, ang mga residente.

Sa kanyang bahagi, binanggit naman ni Servo ang mga sakrispisyo na ginawa ni Bonifacio sa bansa. Ibinahagi din niya na maging si Lacuna na isang lady doctor, ay piniling magsilbi sa mas nakararaming tao kaysa sa mamuhay ng mariwasa. (ANDI GARCIA)