Advertisers
ISINUGOD sa ospital ang isang Grade 12 student mula sa isang pampublikong paaralan nang batuhin sa ulo ng rolyo ng scotch tape ng kanyang titser sa General Santos City.
Kinilala ang guro na si Cristine Britania.
Ang 19-anyos na estudyante ay mula sa Dadiangas North High School, General Santos City, na kailangang operahan dahil sa umano’y namuong dugo sa ulo nito matapos batuhin ng kanyang titser habang nagkaklase noong Oktubre 12.
Salaysay ng nanay ng biktima, nagpuyos ang kalooban ng guro dahil sa kakulitan ng kaniyang anak kaya binato ito ng isang malaking rolyo ng scotch tape na sumapol sa ulo ng bata.
Napuruhan ang mag-aaral. Dahil sa pananakit ng ulo ay isinugod ito sa ospital.
Nang pauwiin na ito ng doktor at nasa bahay na, muli itong nagsuka, kaya kaagad na ibinalik sa pagamutan. Dito ay nakitang may nabuong dugo sa ulo ng bata, kaya kailangan itong operahan.
Nag-ambagan na raw ang mga mag-aaral at guro sa naturang paaralan para sa pagpapagamot ng bata.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa gurong nakadisgrasya sa mag-aaral. At hindi pa malinaw kung magsasampa ng kaso ang mga magulang ng bata laban sa guro.
Iniimbestigahan na ng DepEd-Gensan ang insidente.