Advertisers

Advertisers

Bong Go: Medical cannabis masusing aralin para di maabuso

0 190

Advertisers

Nanindigan si Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go na bukas siya sa panukalang magbibigay ng awtorisasyon sa paggamit ng marijuana para sa medikal na layunin sa Pilipinas basta’t magkakaroon ng masusing pag-aaral para sa tamang regulasyon nito.

Sa subcommittee on health hearing hinggil sa medical cannabis, binanggit ni Go na maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay bukas sa naturang panukala sa kabila ng kanyang mahigpit na pagtutol sa iligal na droga.

“I am for its medical use so I am open to proposals on how we can regulate medical marijuana in such a way that there are enough safeguards. Pag-aralan po natin nang mabuti,” sabi ni Go.



Iginiit ni Go na susuportahan niya ang naturang panukala hangga’t nagtatatag ito ng mahigpit na mga pananggalang at regulasyon upang matiyak na magagamit lamang ito para sa mga layuning medikal.

“Bilang chairperson ng Senate committee on health, palagi kong inuuna ang kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya kung ano man ang makatutulong sa paggamot ng mga sakit ay susuporta naman po ako dito,” anang senador.



“Napakabukas ko, ngunit nais kong bigyang-diin ang kahalagahan ng tamang regulasyon kung papayagan at suportahan natin ang medikal na marijuana. Hindi lang medikal ang pinag-uusapan dito, kundi pati kung papaano mare-regulate nang maayos at hindi maaabuso ang paggamit ng cannabis,” idinagdag niya.

Ayon kay Go, hindi dapat sayangin ang makabuluhang mga natamo mula sa mabangis na anti-illegal drug campaign na isinagawa ng nakaraang administrasyon sa pamumuno ni Duterte at hindi dapat bigyan ng pagkakataon ang masasamang elemento na pagsamantalahan ang panukala kung magiging batas.



“Importante sa atin na mabalanse ang interes ng nakararami. Mahalaga ang kalusugan. Mahalaga rin ang peace and order. At importante po ang rule of law. Lahat nang ito ay mga aspeto na dapat isaalang-alang sa pagpasa ng panukalang ito,” ayon sa senador.

Iminungkahi niya na ang Food and Drug Administration ay dapat gumanap ng mahalagang papel sa pagtukoy ng nakapagpapagaling na halaga ng cannabis.

Sa panahon ng pagdinig, ibinigay ni Go ang kanyang buong suporta kay Subcommittee on health chairperson, Senator Robinhood Padilla, na nagpasimula ng pagdinig na kumikilala sa medical cannabis bilang alternatibong paraan sa paggamot.

“Ito po ay adbokasiya talaga ni Senator Padilla kaya alam ko po na makabuluhan at produktibo ang ating diskusyon sa hearing na ito. Hindi po basta-basta ang usapin na ito,” ani Go.

“Marami nang naging pag-aaral at debate ukol dito kaya nararapat lang po na mayroon tayong subcommittee sa ilalim ng committee on health na nakatutok po talaga dito,” dagdag niya.

Kinilala rin ni Go ang gawain ng ilang asosasyon na masigasig sa isyu.

“Matagal n’yo na po itong ipinaglalaban dahil nakakatulong talaga ang medical marijuana sa mga pasyente o sa mga mahal nyo sa buhay,” aniya.

Sa pagbanggit sa mga kahanga-hangang natamo mula sa paglaban ni dating Pangulong Duterte sa iligal na droga, muling inihain ni Go ang SBN 428 na layong magtatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong Pilipinas.