Advertisers
NAGPAKAMATAY ang limang magsasaka sa isang bayan sa Pangasinan nang malugi sa pananim ng sibuyas.
Sa pagdinig ng Senado, patungkol sa sobrang taas ng presyo ng sibuyas, iniharap ni Elvin Laceda, Presidente ng Young Farmers Challenge Club of the Philippines, si “Nanay Merly” Gallardo at inilahad nito na nagpakamatay ang kanyang asawa dahil sa malaking lugi sa kanilang sakahan.
Ayon kay Nanay Merly, kahit binibili sa kanila ng grupo ni Laceda sa mas mataas na farm gate price ang sibuyas sa halagang P220 hanggang P350 kada kilo, nalugi parin sila dahil sa mga pag-ulan na nararanasan noong nakaraang taon na ikinasira ng kanilang pananim.
Sinabi ni Laceda na isa si Nanay Merly sa mga magsasaka na kanilang tinutulungan sa Bayambang, Pangasinan at isa ang asawa nito sa nag-suicide dahil sa milyon-milyong utang nang sirain ng “harabas” o army worm ang kanilang pananim.
Aniya, ngayon lang sana makababawi ang mga magsasaka. Pero dahil may importasyon ng sibuyas, wala pang 100 araw para mai-harvest, kailangan nang anihin ang mga sibuyas sa loob ng 85 hanggang 90 araw.
Ang grupo ni Laceda ang bumibili ng aning sibuyas sa ilang magsasaka sa Pangasinan at naibebenta nila sa Metro Manila sa P350 kada kilo noong kasagsagan na ang presyo ng sibuyas ay pumapalo ng P700 kada kilo.
Umapela si Laceda sa Food Terminal Inc. (FTI) na huwag baratin ang mga magsasaka sa pagbili ng kanilang aning sibuyas na hindi rin naman aaray ang mga consumer sa presyo bago pa mahuli ang lahat.