Advertisers
MAGREREKOMENDA ng kaso ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) laban kay Senate Sergeant-at-Arms retired Major General Mao Aplasca dahil sa nangyaring putukan sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Matatandaan nagulantang ang publiko sa umalingaw-ngaw na magkakasunod na mga putok ng baril sa Senado gabi ng Huwebes, Mayo 13, mula sa mga opisyal ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).
Base sa paliwanag nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at PNP chief General Jose Melencio Nartatez, Jr., sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) noong Lunes, Mayo 19, inilabas nila sa publiko ang CCTV footages kungsaan makikita ang pagpapaputok ng isang mahabang baril ni Aplasca.
Ayon naman sa pagkukumpirma ni CIDG Director, Major General Robert Mo-rico II, nitong Miyerkules, Mayo 20, kinumpirma niya ang pagrerekomenda nila ng kaso laban kay Aplasca na lumabag ito sa Republic Act 11917 (Private Security Services Act).
Aniya pa, alinsunod sa direktiba sa kanila nina Sec. Remulla at Gen. Nartatez ang pagbibigay nila ng kanilang findings sa imbestigasyon at rekomendasyon. Nasa DOJ na aniya ang desisyon kung paano nila muling sisiyasatin ang findings na kanilang nabuo sa imbestigasyon.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pang inilalabas na tugon, reaksyon o pahayag si Aplasca kaugnay rito.(Mark Obleada)