Advertisers
IBINASURA ng Department of Justice (DOJ) ang inihaing ‘motion for inhibition’ ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief, General Gerald Bantag, laban sa mga piskal ng naturang ahensya kaugnay sa pagdinig sa pamamaslang sa veteran journalist na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Ito ang kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento nitong Miyerkules.
Sa ruling aniya ng DOJ, ibinasura ang mosyon ni Bantag dahil sa kakulangan ng merito.
Kaagad na itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa kaso sa Enero 24 ng hapon kungsaan inaasahang magsusumite ng ‘counter-affidavit’ ang grupo ni Bantag kaugnay sa kinakaharap nilang dalawang kaso ng ‘murder’ sa pagkakapaslang kina Lapid at umano’y “middleman” na si Cristito “Jun” Villamor.
Matatandaang pinagbabaril si Lapid habang papauwi sa BF Resort Village, Las Piñas City noong Oktubre 3, 2022 ng gabi.
Binawian naman ng buhay si Villamor habang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) ilang oras matapos lumantad ang umaming pumatay kay Lapid na si Joel Escorial.
Sa kanyang paglantad, sinabi ni Escorial na si Villamor ang nag-utos sa grupo nito upang paslangin si Lapid.