Advertisers
IBINUNYAG nitong Miyerkules ni Senador Risa Hontiveros na isa na namang bagong hub ng human trafficking operations na namumuwersa sa mga Pilipino na maging scammer ng cryptocurrency.
Ayon kay Hontiveros, ang mga Pinoy ay ginagawa rin forced laborer ng isang Chinese mafia sa Cambodia.
Ito’y ilang buwan matapos ilantad ng senador ang mga sindikatong Chinese na itina-traffic din ang mga Pilipino sa Myanmar upang lokohin ang mga dayuhan na maglagay ng pera sa mga pekeng crypto account.
“Ang mga Pilipino ay nagiging pangunahing target ng mga sindikato ng human trafficking. Matapos nating matulungan ang ilang Pinoy sa Myanmar na inaabuso at sapilitang pinagtrabaho bilang crypto scammer, ngayon, malalaman nating meron din palang ganitong modus sa Cambodia. Ang mga pabrika ng pandaraya na ito ay bahagi ng isang nakakagambalang industriya na kailangang lansagin,” sabi ni Hontiveros.
Kamakailan lang ay nakausap ng opisina ng senador si “Miles”, isa sa mga Pinoy na na-traffic sa Cambodia, na ngayon ay nakabalik na sa Pilipinas. Nakipag-ugnayan si Miles kay Hontiveros upang humingi ng tulong dahil ayon sa kanya, napakarami pang Pinoy na nangangailangan ng rescue sa Cambodia.
Ayon kay Miles, pinangakuan sila ng customer service o call center jobs. Gayunpaman, tulad ng nalaman ng senador mula sa mga biktima mula sa Myanmar, ang mga OFW sa Cambodia ay napilitan rin manloko ng foreigners mula US at Canada. Kinakaibigan din nila ang mga ito upang engganyohin na maglabas ng kanilang ipon at ilagay ito sa mga pekeng crypto accounts.
“Kapag wala kang nakukuhang kliyente, ang ginagawa, pinagtratrabaho [kami] ng mahigit 16 hours, walang tulog, 7 days a week … Meron po akong nakita at narinig ko po mismo na kinuryente na kasamang empleyado,” kuwento ni Miles.
Na-traffic si Miles palabas ng NAIA at papunta sa Thailand, at pinasakay sa van papuntang Cambodia. Ang iba, ibinahagi niya, ay lumipad mula sa Clark, Pampanga papuntang Cambodia, o mula sa Zamboanga at sa Malaysia o iba pang bansang ASEAN bago magtungo sa Cambodia.
Ang grupo ng mga Pilipinong kinabibilangan ni Miles ay nailigtas Lunes ng gabi ng mga awtoridad ng pulisya ng Cambodian. Sumulat si Hontiveros sa DFA para mapadali ang kanilang mabilis na pagpapauwi.
Layunin din ng senador na magbunyag ng iba pang detalye sa susunod na pagdinig ng senado sa partikular na isyung ito.
“Panawagan ko rin sa ating mga kababayan na maging mapagmatyag at mag-ingat sa mga illegal recruiter, lalo na yung mga naghihikayat na magtrabaho sa Cambodia o Myanmar bilang customer service agents. Makipag-ugnayan muna sa POEA bago sumabak sa mga trabahong nakikita sa social media. Habang nilulutas natin ang kawalan ng hanapbuhay sa Pilipinas, dapat may matatag na plano at proseso na tayo sa gubyerno sa pagsugpo ng human trafficking sa bansa,” sabi ni Hontiveros. (Mylene Alfonso)