Advertisers

Advertisers

2 pulis na sangkot sa pagdukot sa e-sabong agent sumuko

0 125

Advertisers

SUMUKO na ang dalawang pulis na sangkot sa pagdukot sa isang master agent ng online sabong (e-sabong) sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).

Kinilala ni IMEG Director, Brigadier General Warren De Leon, ang mga sumuko na sina Staff Sgt. Daryl Paghangaan at Patrolman Rigel S. Brosas, na nakumbinsing sumuko nitong Huwebes (Enero 19) matapos ang serye ng negosasyon ng mga tauhan ng IMEG Region 4-A.

Ayon kay De Leon, sumuko si Brosas 2:45 ng hapon sa Rizal Municipal Police Station; habang sumuko si Paghangaan 7:50 ng gabi sa Liliw Municipal Police Station (MPS) sa Laguna.



Ang dalawang sumukong pulis kasama si Patrolman Roy Navarrete, na patuloy pang pinaghahanap, ay sinampahan ng kasong ‘robbery and kidnapping with serious illegal detention’ nang pasukin nila ang bahay ni Ricardo Lasco, isang agent ng e-sabong sa San Pablo City, Laguna, kasama ang iba pang nagpanggap na mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto 30, 2021.

Bukod sa pagtangay sa biktima, inaakusahan din sila ng mga kaanak ni Lasco na kumuha ng milyon-milyong halaga ng pera at iba pang mahahalagang bagay sa loob ng bahay.



Sina Brosas, Paghangaan at Navarette ay mayroong warrant of arrest sa sala ni Judge Luvida Padolina Roque ng Regional Trial Court (RTC) Branch 29, San Pablo City na may petsang Enero 17, 2023 sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

Ang tatlong nabanggit na pulis ay tinanggal na sa serbisyo.



Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni PNP Spokesperson, Colonel Jean Fajardo, na ilalagay sa kanilang kustodiya ang mga suspek, at sa pagsuko ng mga ito magkakalinaw na ang kaso.(KOI LAURA)