Advertisers
Puring –puri ng mga residente ng Miramonte Village sa Pansol, Laguna ang masipag at magaling na kalihim ng Department of Energy (DoE) na si Secretary Alfonso Cusi dahil sa bilis ng pag-aksyon nito sa isang problema na natisod lamang niya sa social media.
Oktubre 22 pa kasi nang mag-umpisang humingi ng tulong ang mga residente sa barangay chairman at sa Meralco, matapos na matumba ang isang malaking puno at mag-landing sa isang bungkos ng mga electrical wire sa Lirio Street.
Grabe ang panganib na dulot nito sa mga residente lalo na sa mga bata na naglalaro at dumaraan sa nasabing kalsada sa araw-araw.
Sa kabila ng paulit-ulit na paghingi ng tulong at pangako ng Meralco na aayusin nila ang problema, walang nangyari. Dumaan pa nga ang dalawang bagyo.
Pero nang maiparating kay Sec. Cusi sa social media ang naka-post na problema, wala pang isang oras ay nagpapunta na ito ng mga tao at kaagad namang natanggal ang puno at naayos ang mga kable.
Paano kaya kung wala si Cusi? Sana lahat ng opisyal ay kagaya niya.
***
Binabati ko din ang AirAsia Philippines sa pakikipag-partner nito sa Liter of Light upang makapagbigay ng solar at battery-powered lighting devices sa mahihirap na pamilya at indigenous groups sa bansa. Ang una nilang binigyan ay mga miyembrong indigenous tribe sa Simariki Island sa Zamboanga.
Humihingi din ng pang-unawa ang spokesman ng AirAsia na si Steve Dailisan habang patuloy nilang inaayos ang mga request ng flight cancellations dala ng pandemya.
Habang isinusulat ito ay nasa 158,324 na ang bilang ng refund requests na naayos ng nasabing airline. Kung hindi ito napa-convert sa credit accounts ay nai- refund ang mga ito nang buo. Sa kabuuan ay umabot ng 70 percent ng kabuuang ang naayos na mula sa kabuuang 205,141 refund cases na natanggap ng airline mula January 2020.
“We understand that the pandemic has also affected the lives of our guests and the delays in processing refunds can be very unsettling, especially during these chall enging times. For this, we sincerely apologize,” ani Dailisan.
***
Maraming kaibigan ang nagrerekomenda sa mga nangangailangan ng NBI clearance na magtungo sa tanggapan ng NBI sa Ali Mall sa Quezon City.
Hindi lang kasi mababait ang mga tauhan doon kundi mabibilis pang kumilos at maasikaso sa mga aplikante.
Personal ko itong naranasan nang magpunta ako doon kelan lamang at di ko inaasahang magiging sobrang madali ang pagkuha ng aking NBI clearance. Maayos ang sistemang kanilang pinatutupad doon.
Salamat kina Julius Espina, sa kanilang hepe na si Clifford Barrizo at mga staff na sina Harold Uquio, Ana Gayongala at Edward Caper. Sana ay dumami ang kagaya ninyo sa gobyerno.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.