Advertisers

Advertisers

Pagproseso ng business permit sa QC, mas pinadali

0 19

Advertisers

Good news sa mga nagnenegosyo sa Lungsod Quezon. Bakit? Alam niyo ba na ang dating mabilis, pinadali at matinong pagproseso ng business permit sa lungsod ay lalo pang pinabilis o pinadali.

Oo, mas pinadali na ang pagnenegosyo sa lungsod sa pagpapatupad ng risk-based business permit processing system sa ilalim ng Executive Order No. 38, Series of 2025, na nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte.

Sa ilalim ng bagong sistema, uuriin ang mga negosyo bilang low-risk (mababa ang panganib), medium-risk (katamtaman), o high-risk (mataas), base sa uri ng kanilang operasyon at posibleng epekto sa kaligtasan ng publiko, kalusugan, at kapaligiran. Ang klasipikasyong ito ang magiging pangunahing basehan kung gaano kabilis mapoproseso ang permit at kung kailan itatakda ang mga inspeksyon—dahil dito, mas mapapabilis ng Pamahalaang Lungsod ang serbisyo para sa mga simpleng negosyo habang nabibigyan ng sapat na atensyon ang mga aktibidad na may mas mataas na panganib.

Para sa mga may-ari ng negosyo, ang pagbabagong ito ay nangangahulugan ng mas malinaw na alituntunin at takdang oras. Ang mga aplikasyon para sa mga bagong negosyo at pagpapalit ng uri ng negosyo ay mapoproseso na sa loob ng:

Tatlong (3) working days para sa low-risk businesses.

Pitong (7) working days para sa medium-risk businesses.

Dalawampung (20) working days para sa high-risk businesses.

Alinsunod sa RA 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, ang pagpapanibago (renewal) ng business permit, anuman ang antas ng panganib, ay mapoproseso sa loob ng tatlong working days, basta’t walang paglabag o nakabinbing isyu.

“Ang sistemang ito ay tumutulong sa amin na kumilos nang mas mabilis para sa mga low-risk na negosyo at maging mas maingat sa mga aspetong mas nangangailangan nito,” pahayag ni Mayor Belmonte.

Binabago rin ng risk classification system ang paraan ng pag-iinspeksyon. Maliban sa mga inspeksyong itinakda ng batas—gaya ng kinakailangan para sa Fire Safety Inspection Certificate—karamihan sa mga inspeksyon ay gagawin na matapos maibigay ang permit. Ang mga high-risk na negosyo ay kailangang mainspeksyon taon-taon, ang medium-risk ay tuwing ikalawang taon, habang ang mga low-risk naman ay tuwing ikatlong taon.

Para sa mga establisyimento na may iba’t ibang uri ng negosyo, ang itatakdang oras ng pagproseso at rekisito sa inspeksyon ay ibabase sa aktibidad na may pinakamataas na panganib. Ang Bureau of Fire Protection – Quezon City Fire District ay patuloy na maglalabas ng Fire Safety Inspection Certificates at magsasagawa ng mga fire safety inspection, sa pakikipagtulungan sa mga opisina ng lungsod upang maiwasan ang dobleng pagbisita.

Sa pamamagitan ng risk-based approach na ito, nababawasan ng Lungsod Quezon ang red tape, napapabilis ang pagproseso ng permit para sa mga maliliit na negosyo, at natutuon ang pansin ng gobyerno sa mga inspeksyong pinakamahalaga—bilang suporta sa mga responsableng negosyante habang pinapanatiling ligtas ang komunidad. Ang Executive Order ay nagsimulang ipatupad noong Disyembre 23, 2025.

Ang buong teksto ng EO No. 38, Series of 2025 ay matatagpuan sa opisyal na website ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon at maaari ring makuha sa pamamagitan ng Business Permits and Licensing Department (BPLD).