Babala sa mga banyagang lalabag sa IATF

119

MAHIGPIT na nagbigay-babala si Bureau of Immigration (BI) Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr. ukol sa mga banyaga na lalabag sa mga alituntuning ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Sabi ni Manahan, dapat seryosohin ng mga banyaga ang naturang warning dahil sila ay maaring maharap sa kasong deportation..

Bilang ‘foreign nationals,’ ang mga banyagang narito sa bansa ay inaasahang sumunod sa mga batas na pinaiiral ng Pilipinas.

Anumang hayagan o garapal na pag-balewala sa mga nasabing Philippine laws gayundin sa mga otoridad o persons of authority ay maaring maging dahilan para ang isang banyaga ay mapatalsik ng bansa.

Kung inyong matatandaan, nitong nakaraang taon lang ay sumabit ang isang Spanish national na isinama sa mga ‘blacklisted’ sa bansa dahil sa diumano ay paglabag sa mga regulasyong pinaiiral sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Di lang yan. Pinagmumura din daw nito ang mga miyembro ng Makati police.

Sa ilalim ng panuntunan ng BI, ang mga dayuhan na nambabastos ng mga pulis o sinumang itinuturing na awtoridad sa bansa ay maaring ituring bilang ‘undesirable aliens’ o mga di kanais-nais na banyaga.

“Foreign nationals who disrespect symbols of our country and persons of authority are not welcome in the Philippines,” ani Manahan.

Sabi ni Manahan, nakatanggap ang BI ng mga report na may ilang foreign executives o companies sa Pilipinas na lumalabag ng IATF protocols sa kanilang lugar na pinapasukan.

Kasalukuyan na aniyang iniimbestigahan ang nasabing impormasyon at kapag napatunayang may merito ito, kakasuhan ng BI ang mga sangkot na dayuhan.

Ipinaliwanag ni Manahan na ang immigration action laban sa mga nagkakasalang aliens ay hiwalay at iba pa kasong criminal na maaring kaharapin nila.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.