Advertisers

Advertisers

Bong Go sa PNP: ‘Wag puro tapang, malasakit ipakita rin sa protocol violators

0 418

Advertisers

KASUNOD ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police na arestuhin ang mga pasaway o hindi nagsusuot ng face mask, iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na mamigay din ang pamahalaan ng libreng mask sa mga huhulihin bilang pagpapakita ng tunay na malasakit habang nasa gitna pa ng pandemya ang bansa.

“Bilang chair ng Senate Committee on Health, sang-ayon ako na kailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng mga protocols para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit,” ani Go.

Sinabi ni Go na bukod sa tapang upang madisiplina ang ayaw talaga sumunod, kailangan din ng malasakit para sa mga kababayan nating hindi makasunod dahil sa kahirapan ng buhay at kakulangan ng tamang impormasyon.



Ayon sa senador, ang PNP at Department of Trade and Industry, kasama ang kanyang tanggapan ay nagkasundong magkaoob ng libreng mask sa mga mahuhuling lalabag sa health protocol.

“Kanina po kinausap ko po si General Eleazar, ‘yung incoming PNP Chief, pati si (DTI) Secretary Mon Lopez, along with my office,” ani Go matapos pangunahan ang pagbubukas ng dalawang Malasakit Centers sa Mt. Province at Apayao.



“Napagkasunduan po namin na kapag nahuli po ng pulis at bago ilagay sa selda at tuturuan, ile-lecture, ay bigyan po ng face mask dahil baka ang mga ito ay wala talagang pambili ng face mask, kawawa naman. Baka doon pa sila magkahawaan sa selda,” sabi ni Go.

Ipinaalala ni Go sa mga awtoridad na kailangan ang pagdidisiplina habang pinakikitaan ng malasakit ang mahihirap at vulnerable sectors para makasunod sila sa guidelines laban sa COVID-19.



“Maliban sa pagbigay ng libreng mask, turuan rin dapat ang taumbayan kung bakit importante ang mga patakarang ito. Sa panahong ito na kung saan andyan pa ang banta ng kalabang hindi naman nakikita, kailangan natin ang disiplina at pakikiisa ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.

“Handa ang gobyernong magmalasakit at gawin ang lahat para mailigtas ang buhay ng ating mga kababayan lalo na yung mga hirap na hirap na,” idiniin ng senador.

“Nabanggit po ng ating mahal na Pangulo na ipapahuli niya ang mga hindi nagma-mask. Bagama’t ayaw naman ni Pangulo na ikulong kayo at gusto niya pong disiplinahin at turuan po ng leksyon ‘yung mga talagang pasaway… Kasi hindi natin alam na marami pong asymptomatic, iyon po ang nagdadala ng sakit kapag hindi nagma-mask po,” anang mambabatas. (PFT Team)