Mga dokumento ni Carpio matibay, pero ‘di kaya ng Pilipinas ang China – Enrile ‘CHINA MABABALDADO ‘PAG UMALIS SA WEST PH SEA’
Advertisers
NANINIWALA si dating Senate President Juan Ponce Enrile na malaki ang magiging epekto sa China sa sandaling mapaalis sila sa sinasakop na teritoryo ng Pilipinas sa West Philippines Sea.
Sa ‘Balitaan sa Maynila’ nitong Linggo ng umaga, inihayag ng 97-anyos nang Enrile na malaki ang suliranin ng China na ngayon ay nasa punto na ng survival.
Sinabi ni Enrile na ang WPS ang isa sa pinanggagalingan ng ikinabubuhay ngayon ng China.
Kapag, aniya, napaalis ang China sa WPS ay tiyak na titigil ang mga industriya nito.
Gayunman, inamin ni Enrile na hindi kaya ng Pilipinas na labanan ang China dahil sa kawalan ng puwersa.
Kinakatigan naman ni Enrile ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat makipag-away ang Pilipinas sa China dahil nga sa walang kakayanan ng mga armas na panggiyera.
Pero naniniwala si Enrile na bilang abogado may matibay na batayan ang mga hawak na dokumento ni retired Supreme Court Sr. Associate Justice Antonio Carpio sa legal claims ng Pilipinas sa pag-aaring teritoryo sa West Philippines Sea. (Gina Mape)