Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
SIMULA ngayong Sabado (May 22) ay nakatakda nang mapanood si Kapuso actress Sanya Lopez sa top-rating action fantasy drama series na Agimat ng Agila.
Good news ito para sa fans ni Sanya na excited nang makilala ang gagampanang karakter ng aktres sa serye, “Excited to see Sanya on Agimat Ng Agila as Maya Lagman.”
Dagdag na komento ng manonood, swak na swak si Sanya bilang kapareha ng lead actor na si Bong Revilla Jr., “Napakagaling ng pumili kay Sanya para maging leading lady. Bagay na bagay ang ganda.”
‘Wag palampasin ang pinakaaabangang pagkikita nina Maya (Sanya) at Gabriel (Bong) sa Agimat ng Agila ngayong Sabado, 7:15pm, sa GMA-7.
***
KABILANG ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards at ilan pang Kapuso stars sa Most Handsome and Beautiful Faces in Philippine Showbiz ng PH Choice Awards ngayong taon!
Bukod kay Alden, pasok din sina Miguel Tanfelix, Jak Roberto, Kelvin Miranda, Khalil Ramos, Mavy Legaspi, Allen Ansay, Will Ashley, at Ken Chan sa Top 20 Most Handsome Faces na kinahuhumalingan ng fans at Filipino audience.
Samantala, parte naman ng Top 20 Most Beautiful Faces ang Kapuso actresses na sina Sanya Lopez, Gabbi Garcia, Bianca Umali, Kyline Alcantara, Cassy Legaspi, Sofia Pablo, at Julie Anne San Jose.
Makikita ang buong listahan sa Facebook page ng PH Choice Awards.
***
NGAYONG Sabado (May 22), tunghayan si Carla Abellana sa nakakaintriga ngunit tunay na kuwento ng isang ginang na ibinenta ang kanyang mister sa Magpakailanman.
Dahil maagang nagpakasal, itinakwil sina Precy (Carla) at Anthony (Rafael Rosell) ng kanilang pamilya. Kahit na dumanas ng hirap, naitaguyod nila nang maayos ang kanilang pamilya. Nang makilala ng mag-asawa si Rochelle (Katrina Halili) ay naging maginhawa ang kanilang buhay.
Naging malapit ang loob ni Anthony kay Rochelle hanggang sa natuklasan ni Precy na may relasyon na pala ang dalawa. Humingi naman ng tawad si Anthony kay Precy at nangakong magbabago na. Subalit, nagkasakit nang malubha ang ama ni Precy na si Ador (Rey “PJ” Abellana) at nangailangan ang pamilya ng malaking pera.
Dahil sa sobrang kagipitan at wala nang iba pang matakbuhan, lumapit na si Precy kay Rochelle para mangutang. Pero paano kung ang hinihinging kapalit kay Precy ni Rochelle ay ang bilhin si Anthony?
Sa ilalim ng direksyon ni LA Madridejos, abangan ang natatanging pagganap ni Carla Abellana sa Magpakailanman episode na pinamagatang “Husband For Sale”, ngayong Sabado, 8pm, sa GMA.
***
SASABAK sa isang ‘takong race’ sina David Licauco at Thea Tolentino para sa pangarap at pag-ibig sa ‘Dear Uge Presents’ ngayong Linggo, May 23.
Gagawin ni Loida (Thea) ang lahat ng kanyang makakaya para maisalba ang shoe factory na ipinamana sa kanya ng kanyang ama. Dahil dito, makikilala niya ang negosyanteng si Andrew (David) at magkakaroon sila ng deal, kabilang na ang isang takong race.
Sa paglaban ni Loida para sa kanyang dream business, tila magwawagi rin siya sa puso ni Andrew. Kaya ba nilang paghaluin ang pag-ibig at negosyo?
Abangan ‘yan sa ‘Dear Uge Presents: Isang Takong, Isang Sagot’ ngayong Linggo, 3:35pm, sa GMA-7.