Advertisers
NAKATAKDANG maghain si Deputy Speaker Rufus Rodriguez ng panukalang batas na magpapahintulot para sa online voter’s registration.
Sa gitna ito ng pagtalakay ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa mga paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na 2022 elections.
Diin ni Rodriguez, hayaan na ng Comelec ang online registration at saka na lamang kunin ang biometrics ng registrant isa o dalawang buwan bago ang eleksyon.
Sa ganitong paraan kung hindi makapunta para sa biometrics ay maaari nang alisin ng Comelec ang indibidwal sa listahan.
Paalala ni Rodriguez, halos lahat ng transaksyon at registration ay ginagawa na online bunsod ng pandemiya.
Sakali rin aniyang kuwestyunin ito o iakyat sa korte ay tiyak ng mambabatas na maiintindihan ng mga mahistrado ang kakaibang sitwasyon na hinaharap ng Pilipinas.
Batay sa Republic Act 8189 o Voter’s Registration Act of 1996, hindi pinahihintulutan ang online registration dahil kailangan talagang pumunta ng personal sa Comelec office o satellite registration office dahil sa pagkuha ng biometrics. (Henry Padilla)