Advertisers
BUKING ang katiwalian ng dalawang magkapatid na pulitiko sa Quezon City matapos silang ireklamo ng isang ‘watchdog’ sa Malakanyang kamakailan.
Base sa reklamo na inihain ng Bantay Kaban—Citizens Forum Against Corruption and Poverty sa Presidential Complaint Center kamakailan, tinukoy ang magkapatid na si Quezon City Representative Alfred Vargas at Quezon City councilor Patrick Michael ‘PM’ Vargas na umano’y nasa likod ng ‘scam’ sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program ng gobyerno.
Ang TUPAD ang ‘cash for work’ program ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagbibigay ng ayuda para sa mga manggagawa na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya dulot ng Covid 19.
Ayon kay Bantay Kaban convenor Ryan Serrano Morales, ginagamit ng magkapatid na Vargas ang TUPAD para sa 2022 elections kung saan tatakbo ang nakababatang kapatid na si PM bilang congressman ng 5th district.
Lumalabas sa reklamo na inaalok ng mga Vargas ang TUPAD sa mga tao kapalit ng kanilang serbisyo bilang ‘precint commanders’, ‘warriors’, at ‘solid friends’ ng magkapatid na pulitiko.
Isiniwalat din ng watchdog na binibiyak pa ang bawat TUPAD payout sa tatlong tao upang mas maraming bayaran na taga-suporta ang makuha ng mga Vargas.
Idinagdag pa ng Bantay Kaban na ang ginawa ng magkapatid ay labag sa Republic Act 3019 o Anti-graft and Corrupt Practices Act at Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code.
“We are hoping that through you, this corrupt practice will be put to an end,” sabi ni Morales sa kanyang reklamo sa Malakanyang.
Bukod sa Presidential Action Center, inihain din ng Bantay Kaban ang reklamo nito sa DOLE, Presidenial Anti-Corruption Task Force, Department of Interior Local Government at sa tanggapan ni House Speaker Lord Velasco.
Nakarating sa Bantay Kaban ang nasabing katiwalian dahil narin sa sumbong ng isang benipisaryo ng TUPAD na ipinamumudmud ng mga Vargas na sinibak sa listihan matapos malaman ng magkapatid na dinalaw siya ng ibang opisyal ng syudad.
Nauna nang pinangalanan ni Pangulong Duterte si Rep. Vargas sa mga listahan ng mga ‘korap’ na kongresista dahil sa pangungumisyon sa mga kontraktor ng mga proyekto sa Quezon City.