Advertisers
PINABULAANAN ng Malakanyang na tinatakot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission on Audit (COA) sa paglalabas ng audit report ng Department of Health (DOH).
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na nagpahayag lamang ang Pangulo sa pagkadismaya dahil nalagay sa masamang imahe ang DOH.
Wala aniyang isyu sa pahayag ng Pangulo dahil kung pagbabasehan ang COA report, napagduduhan ang DOH na mayroong korupsyon.
“Wala pong issue ‘yon. I guess ang sinasabi lang ni Presidente, frustrated siya kasi ang basa ng taongbayan sa initial observations may condemnation,” wika pa ni Roque.
Sa public address nitong Lunes ng gabi, binatikos ni Pangulong Duterte ang COA dahil sa ulat na ibinandera nito ang DOH dahil sa mga kakulangan ng paggamit ng P67.3 bilyon ng pondo ng pandemniya.
Sa isang pahayag noong nakaraang linggo, sinabi ng COA na hindi kailanman nabanggit sa ulat ng isinagawang pag-audit noong 2020 na nagkaroon ng katiwalian sa paggamit ng badyet ng DOH sa gitna ng COVID-19 pandemya.
Ayon pa sa COA, ang proseso ng pagsusuri para sa flagged deficiencies ay kailangan pang kompletuhin. (Vanz Fernandez)