Advertisers
INIHAYAG ni Senator Bong Go na dapat mabigyan ng pagkakataong maipaliwanag nang maayos ng mga ahensiya ang ginagawa nitong paggastos ng pondo upang maalis ang pagdududa sa pagsisikap ng gobyerno na malabanan ang COVID-19.
Gayunman, sinabi ng senador na kinakailangang klaruhin din ng Commission on Audit ang inilalabas nitong audit reports nang sa gayo’y hindi ito humantong sa maagang panghuhusga ng publiko, lalo ng mga pulitiko na mahilig sumakay sa mga isyu.
Ayon kay Go, dapat maiklaripika sa mas mabilis na panahon ang isyu laban sa mga ahensiya ng gobyerno para hindi maialis ang pokus sa paglaban sa pandemya.
“As a legislator and member of the Senate Blue Ribbon Committee, I support the efforts to probe how public funds were spent in our country’s COVID-19 response,” ayon kay Go.
Kaya nga umaapela siya sa lahat ng may kinalaman sa paggasta ng pondo ng bayan na dapat nila itong ipaliwanag nang maayos, kumpleto at madaling maintindihan ng tao.
“Kapag naklaro na lahat ng mga isyu na ito, mas matututukan natin ang tunay na kalaban — ang COVID-19 at ang hirap at gutom na kasama nito,” ani Go.
Iginiit ni Go na ang kanyang posisyon laban sa graft and corruption ay nanatili at hindi tumitigil sa pagsasabing siya at si Pangulong Duterte ay walang sisinuhin.
“Kahit sino ka man, kahit saan ka man nanggaling, basta may anomalyang mapatunayan ay dapat may mananagot,” anang mambabatas.
“Base sa mga napagusapan (sa nakaraang hearing), talagang kailangang busisiin pa ang mga naging COA initial findings upang lumabas ang katotohanan. Kung mapatunayang may nasayang, nawala, o nanakaw na pondo ng bayan, dapat kasuhan agad at ikulong,” aniya.
Ngunit umapela siya sa mga kapwa mambabatas at sa publiko na habang masusing naghahanap ng katotohan, dapat panatilihin ang pagiging obhektibo at kawalang-kinikilingan para maiwasan ang maagang panghuhusga nang hindi pa nalalaman ang buong detalye.
“Keep in mind that government employees are also frontliners in this battle against COVID-19. Those who have served the country and our people with utmost integrity in this time of need are not asking for recognition, but only fairness,” paliwanag niya.
“Trabaho at mandato naman talaga ng COA na siyasatin kung ginagamit nang wasto ng mga ahensya ng gobyerno ang pondo ng bayan. […] Pero sana iklaro rin ng COA sa publiko ang mga inilalabas nitong report,” ayon sa senador.
Sa naunang pahayag, sinabi ng COA na ang audit process nito sa “deficiencies” sa pondo ng DOH ay hindi pa tapos kaya “premature” pa umano para maglabas ng konklusyon sa kanilang findings sa ngayon.
“Alam natin ang araw araw na hirap na kinakaharap ng DOH at dapat hayaan natin silang magpaliwanag,” ani Go.
Kaya iginiit din ng mambabatas sa DOH at iba pang concerned agencies na manatiling nakapokus sa kanilang ginagawa para malagpasan na ng bansa ang pandemya.
“Tama na bantayan natin sila at punahin kung may pagkukulang, pero huwag naman natin silang husgahan agad base sa paunang obserbasyon lamang,” idinagdag ng senador.
Samantala, nilinaw ni Go na hindi niya kailanman naging aide si dating USec. Lloyd Christopher Lao ng Department of Budget and Management Procurement Services, taliwas sa pinalalabas ng ilang indibidwal at ng mga tagapagbalita.
“He was a volunteer election lawyer of President Duterte in 2016 and was appointed to the Presidential Management Staff at the start of the term until early 2017. After which he was appointed to HLURB and later to the DBM in 2019 before resigning last June of this year. Lao did not directly report to me nor did he ever serve as my aide,” paglilinaw ni Go.
“Kung kailangang busisiin pa ang mga naging procurement ng PS-DBM na saklaw ng COA initial findings, by all means, silipin natin upang lumabas ang katotohanan. Kung kailangang ipatawag si Lao sa susunod na mga pagdinig, gawin natin upang magkaroon ng kaliwanagan, once and for all,” idiniin niya pa.