Advertisers
NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 16,621 bagong kaso ng COVID-19 nitong Huwebes, Setyembre 2.
Batay sa case bulletin no. 537 na inisyu ng DOH, umaabot na sa 2,020,484 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas hanggang nitong Setyembre 2.
Sa naturang total cases, 7.3% pa o 146,510 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa, kabilang dito ang 96.2% ang mild cases, 1.1% ang asymptomatic, 1.1% ang severe, 0.99% ang moderate, at 0.6 % ang kritikal.
Mayroon ding 10,965 ang mga pasyenteng bagong gumaling mula sa karamdaman kaya’t umaabot na sa ngayon ang total COVID-19 recoveries sa bansa sa 1,840,294 o 91.1% ng total cases.
Samantala, mayroon pang 148 mga pasyenteng binawian ng buhay dahil sa karamdaman kaya’t sa kabuuan nasa 33,680 na ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.67% ng total cases.
Iniulat pa ng DOH, na mayroon pa ring 92 duplicates ang inalis ng DOH mula sa total case count, kabilang dito ang 78 recoveries at isang patay.
Mayroon ding 66 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ang malaunan ay natuklasang pumanaw na pala matapos ang pinal na balidasyon.
Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 5 labs na ito ay humigit kumulang 0.9% sa lahat ng samples na nai-test at 0.9% sa lahat ng positibong mga indibidwal. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)